(Pikit, North Cotabato/ January 10, 2015)
---Nasilat ng mga otoridad ang Improvised Explosive Device o IED na nakalaan
sana sa matataong lugar sa bayan ng Pikit subalit hindi na ito nagawa ng suspek
na pasabugin matapos na masundan ng mga pulis sa madilim na bahagi ng kalye ng
Datu Piang sa bayan ng Pikit, Cotabato alas 10:00 kagabi.
Sa report ng Explosive Ordnance Division o
EOD ang nasabing pampasabog ay gawa sa bala ng RPG na hinaluan ng citric acid
at nakakabit ito sa isang cellphone na nagsilbing triggering device.
Bigo namang mahabol ng mga otoridad ang nasabing
suspek na nakasakay ng motorsiklo.
Pero patuloy naman ang ginagawang pagtugis
ng mga otoridad.
Sinabi naman sa DXVL News ni Task Force
Pikit Commander P/Supt. Jordine Maribojo na ang suspek sa paglalagay ng nasabing
IED sa Datu Piang St., sa naturang bayan ay kamag-anak ng carnapper na kinilalang
si Muslimen Kutina Kawil na kanilang napaslang makaraang manlaban ito sa mga
operatiba ng pulisya sa Brgy. Poblacion ng Pikit noong Disyembre a-29 ng
nakaraang taon.
Batay sa ulat ng pulisya, tinangkang parahin
ng mga operatiba ng pulisya sa pangunguna ni P/Insp. Sindato Karim ang
nagmomotorsiklong si Kawil pagsapit sa inilatag na checkpoint.
Pero sa halip na huminto, pinaharurot nito
ang motorsiklong walang plaka sa direksyon ng Barangay Gli gli kaya humantong
sa habulan hanggang sa sumiklab ang shootout.
Narekober ang cal. 45 pistol, mga bala,
2-plastic sachet ng shabu, pinatuyong dahon ng marijuana na nakabalot sa papel,
tatlong piraso ng improvised lighter, at ang motorsiklo na pinaniniwalaang
nakaw. Rhoderick Beñez
0 comments:
Mag-post ng isang Komento