(Matalam, North Cotabato/ August 5, 2013) ---Arestado ang dalawang murder suspek matapos ang higit sa sampung taong pagtatago sa batas, makaraang mahuli ng mga otoridad sa bayan ng Matalam, North Cotabato kamakalawa.
Kinilala ni North Cotabato Criminal Investigation and Detection Team (CIDT) chief Inspector Elmer Guevarra ang mga suspek na sina Roni Espinosa, 41, at Romulo Mallorca, 61 kapwa residente ng nabanggit na bayan.
Ayon kay Guevarra, unang inaresto nila si Espinosa sa kanyang bahay sa Barangay Lampayan alas 8:00 ng gabi nitong Huwebes kungsaan mismong si Espino ang nagsabi sa CIDT sa kinaroroonan din ni Mallorca at ang hide out nito sa Barangay Kabulakan.
Dakong alas 3:00 ng hapon noong Biyernes ay tuluyang natiklo si Mallorca na nahaharap sa kasong murder sa Iloilo kungsaan binigyan ng parole noong 1980 sa panahon ni dating President Ferdinand Marcos.
Ang dalawa ay kapwa akusado sa pagpatay sa isang Angelo Suela noong October 11, 2003 sa probinsiya.
Inilabas ni Regional Trial Court Branch 23 Judge Rogelio Naresma ang warrant of arrest sa dalawa noong July 11, 2005.
Sinabi naman ng CIDT North Cotabato na ang dalawang naaresto ay i-tuturn-over sa korte ngayong araw para sa kanilang commitment order. (Rhoderick Beñez)