04:47PM
Pagbabawal sa mga minor de edad sa mga internet café’s during curfew hours; mahigpit na ipapatupad sa Kabacan, Cotabato
Bilang pagtalima ng Kabacan LGU sa Republic Act 7610 na naglalayong maprotektahan ang mga kabataan sinabi ngayon ni Municipal social Welfare and Development Officer Susan Macalipat na mahigpit na ipinapatupad ngayon sa bayan ang pagbabawal sa mga minor de edad ang pumasok sa mga internet café’s kung curfew hours.
Kaugnay nito, isinagawa ngayong hapon sa Kabacan Municipal Gymnasium ang briefing kungsaan ipinatawag hindi lamang ang may ari ng mga internet café’s kundi maging ang mga video bars owners para mapag-usapan at maipaliwanag sa kanila ang nakasaad sa nasabing batas.
Nakasaad kasi sa Republic Act 7610 ng section 2, na dapat maproteksiyunan ang mga minor de edad lalo ang mga kabataan sa anumang anyo ng pang-aabuso, diskriminasyon, pagpapabaya, pagmamalupit at iba pang kahalintulad nito.
Kaya naman umaapela si Macalipat sa lahat ng mga magulang at sa lahat ng pamunuan ng paaralan sa Kabacan na tulungan sila sa nasabing kampanya laban sa pagbabawal sa mga minor de edad sa mga internet café’s kung curfew hours.
Katuwang din ng nasabing pamunuan ang pagpapatupad ng Executive Order 2010-04 ang MSWDO Kabacan, DILG-Kabacan, Kabacan PNP, Municipal Treasurer’s Office at ng Mayor’s Office.