Written by: Rhoderick Beñez
(Kabacan, North Cotabato/January 19, 2012) ---Upang mabigyan ang lahat ng isa pang tiyansang ma-validate ang kanilang mga dokumento upang mapabilang sa nagpapatuloy na enrollment ng Pantawid Pamilyang Pilipino program sa bayan ng Kabacan, mas pinalawig ngayon ng DSWD R-12 ang kanilang registration kaugnay ditto.
Ito ang inihayag ni Kabacan Municipal Interior and Local government Operation officer Jasmin Musaid matapos binigyan ng palugit ng dswd Region 12 ang registration at validation para sa pantawid pamilyang Pilipino program o 4p’s hanggang ngayong January 23 2012.
Ang 4p’s ay tinatawag ding conditional cash transfer na naglalyong makatulong sa pamamagitan ng conditional cash grants sa mga mahihirap na pamilyang Pilipino.
Kung matatandaan, abot sa limang libong pamilya sa bayan ng Kabacan, North Cotabato ang nakatakdang tumanggap ng tulong pinansyal mula sa pamahalaan sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).
Ito matapos isinama ang bayan ng Kabacan sa ikalimang grupo ng mga bayang isinasailalim sa 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kasama sa mga barangay na makikinabang sa programang conditional cash transfer ng pamahalaan ang Simone, Simbuhay, Nanga-an, Pisan, at Tamped na nakakaranas din ng kaguluhan nitong mga nagdaang ilang taon.
Ibinatay ang listahan sa resulta ng 2009 survey ng National Housing Targeting Center.
Paliwanag ni social welfare and development officer Susan Macalipat, iba-validate ang naturang listahan sa nagpapatuloy na registration sa mga lugar. Kabilang din sa kasali ng Set 5 ng 4Ps sa North Cotabato ang mga mahihirap na barangay sa bayan ng Libungan, Midsayap, at Makilala, at maging sa lungsod ng Kidapawan.
Sa kasalukuyan, ang 4Ps ay ipinatutupad sa 12 bayan sa North Cotabato na kinabibilangan ng Alamada, Aleosan, Antipas, Arakan, Banisilan, Carmen, Magpet, Matalam, Pigcawayan, Pikit, President Roxas, at Tulunan. (with report from Jane Geolingo)