Mga bakwit na apektado ng sagupaan ng MILF at MNLF unti-unti ng bumabalik sa kanilang lugar
Unti-unti ng bumabalik ang mga Internally displaced Persons o IDPs sa brgy. Nangaan ng bayang ito matapos na maipit sila sa nangyaring bakbakan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF at ng Moro National Liberation Front o MNLF matapos ang mahigit sa isang buwang pananatili sa mga evacuation sites.
Ito ang inihayag ni Lt. Col. Kenneth Buenaventura ang commanding officer ng 7th IB, Philippine Army na nakabase dito sa bayan ng Kabacan matapos na nilisan na ng tropa ng MILF ang brgy. Nangaan kahapon ng umaga.
Ayon sa opisyal, mahigit kumulang sa dalawang daang mga pamilya na ang bumalik kahapon sa kanilang tirahan at inaasahan namang ngayong araw babalik naman ang mga bakwit ng brgy. Simone.
Dahan-dahan na ring bumalik ang mga IDPs ng brgy. Pisan na abot sa anim na pung mga pamilya.
Napag-alaman mula sa Report ng MSWDO-Kabacan sa kanilang Disease Surveillance Evacuation Report na karamihan sa mga evacuees ay nag-kakasakit na ng Bronchitis, Diarrhea, Influenza, Measles, Pneumonia and Upper Respiratory Tract Infection dahil sa pananatili sa evacuation sites ng mahigit sa isang buwan mula ng sumiklab ang labanan sa lugar kungsaan mula sa isang libu at pitung raan at apat na pung mga pamilyang IDPs anim na pung porsiento dito ang nagkaksakit na ng diarrhea.
Kinumpirma naman ni Lt. Arnel Duque sa DXVL News na tuluyan ng nilisan ng mga tropa ng rebeldeng grupo ang Brgy. Nangaan kungsaan presensiya na ng mga militar ang nandoon.
Kabilang sa mga tumulong upang makabalik ang mga evacuees sa kanilang lugar ay ang tropa ng militar, LGU-Kabacan sa pamumuno ni Kabacan Mayor George Tan, MSWDO Kabacan at ni Brigade Commander Col. Cesar Sedillo ng 602nd Brigade.