March 4, 2011
Biosafety Permit ng Field testing ng BT-Talong sa USM, inilabas na ng Bureau of Plant Industry
Matapos dumaan sa butas ng karayom ang pagsisiyasat ng pagsasagawa ng field testing ng Bacillus thuringiensis eggplant o Bt talong sa North Cotabato, nakakuha na ngayon ng pag-apruba ang mga proponents nito mula sa Bureau of Plant Industry o BPI.
Ito ay ayon kay USM Director for Research Emma Sales, kungsaan nito pang Hunyo a-28, 2010 nakakuha sila ng biosafety permit mula sa BPI.
Sa kabila ng pagka-apruba nito sa BPI, aminado pa rin si Sales na dadaan pa rin ang nasabing field testing sa masusing proseso kungsaan nakabinbin pa rin ang nasabing panukala sa Sangguniang Panlalawigan ng probinsiya.
Giit pa ni Dr. Sales na naging kontrobersiyal ang nasabing BT-Talong dahil sa marami umano ang natatakot dahil hindi alam ang kanilang kinatatakutan at dahil sa bago ang nasabing teknolohiya.
Isa ang North Cotabato sa pitong lugar sa buong bansa na napili ng Monsanto Philippines sa isinasagawang field testing ng Bt talong.
Naka-embed sa Bt talong ang bacteria na Bacillus thuringiensis na tutulong umano para maging resistant ang talong laban sa fruit at shoot borers.