Babaeng drug pusher na tiklo matapos mahulihan ng illegal na droga sa kanyang bra; sinampahan na ng kaso
Kasong paglabag sa Republic Act 9165 ang kakaharapin ng isang babaeng drug pusher makaraang nahulihan ito ng 19 na mga heated sealed plastic sachet na naglalaman ng white crystalline na pinaniniwalaang shabu.
Batay sa report ng Kabacan PNP sa pangunguna ni P/Supt. Joseph Semillano, hepe ng Kabacan PNP, isang sibilyan asset nila ang nagtimbre kamakalawa ng tanghali sa may Purok Chrislam, Poblacion ng bayang ito na may isang babae na diumano’y nagtatago at nagbebenta ng mga illegal na droga.
Dahilan kung bakit, agad na nagsagawa ang mga intelligence operative ng Kabacan PNP ng surveillance at monitoring sa lugar.
Naabutan pa mismo ng mga otoridad ang nasabing babae na kumakain ng pananghalian sa labas ng kanilang bahay.
Agad namang inimbitan ng mga pulisya ang babae sa presinto para sa beripekasyon at interogasyon.
Pagdating sa presinto inamin din ng babae na may shabu itong dala na itinago pa nito mismo sa kanyang bra.
Doon na narekober ng mga pulisya ang labin siyam na piraso ng heated sealed plastic sachet na naglalaman ng mga white crystalline na pinaniniwalaang shabu na inilagay mismo ng suspek sa kanang bahagi ng kanyang bra.
Abot rin sa P590.00 na proceeds money ang narekober mula sa suspek at isang unit ng Nokia cellphone.
Agad namang siniyasat sa Kidapawan crime laboratory ang nasabing mga illegal drugs para sa mas matibay na ebedensiya.
Napag-alaman mula kay Chief Semillano na abot na sa dalawampu’t isa ang mga nahuli nila na lumalabag sa Republic Act 9165 o mas kilala sa tawag na Dangerous Drugs Act of 2002 sa unang quarter ng taong ito.
Ngayong buwan ng abril lamang nakahuli din sila ng lima at isa na dito ang nasa Watch list ng kanilang himpilan, isang drug pusher na babae at isang runner.
Sa ngayon mas pinaigting pa ng Kabacan PNP ang kanilang kampanya laban sa pagsugpo ng illegal na droga para na rin matumbok ang mga pangunahing financier ng illegal drugs sa bayan.