Peace caravan dumaan sa highway ng Kidapawan City
SUMISIGAW ng ‘Allahu Akbar’ (God is great!) ang libu-libong mga peace advocates mula sa iba’t ibang panig ng Mindanao habang sakay kahapon ng malalaking truck, multi-cab, pick-up at mga motorsiklo sa tinawag nilang, “Caravan for Peace”.
Ang caravan, ayon sa mga organizers, ay pagpapakita ng suporta nila sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno at ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Ngayong araw sisimulan ang ikalawang round ng naturang pag-uusap sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Mababasa sa kanilang mga streamers ang mga katagang, “Support to Bangsamoro sub-state”, “No to endless negotiations”, at “Sign Comprehensive Act Now.”
Sa pamamagitan nito ay naipaparating ng mga peace advocates ang panawagan nila sa gubyerno at sa MILF na pirmahan na nila ang isang ‘kumprehensibong kasunduan’ para matuldukan na ang kaguluhan sa bahagi’ng ito ng Mindanao.
Suportado rin ng grupo ang pagtatayo ng isang sub-state ng Bangsamoro sa Mindanao na, anila, ay sagot sa daing ng maraming mga mamamayan sa bahagi’ng ito ng Pilipinas.
Ang sabay-sabay na peace mobilization ay pinangunahan ng grupong, Mindanao Peoples Caucus; Mindanao Alliance for Peace (MAP), Bangsamoro Center for Just Peace; at ng Datu Piang Alliance for Peace mula sa bayan ng Datu Piang, Maguindanao.
Ginawa ang mga peace rallies sa mga lungsod ng Cotabato at Kidapawan sa Southwest Mindanao; Maguindanao sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM); at Davao City sa Southern Mindanao.
Nagsimula ang peace activity ng grupo sa pamamagitan ng isang, “Walk for Peace” sa bayan ng Datu Piang at pagkatapos ay ang ‘Peace Caravan.’
0 comments:
Mag-post ng isang Komento