Welcome Class 2015

Welcome Class 2015

Sa lahat ng mga sumuporta sa ating programa at aktibidad sa ika-siyam na taong anibersaryo ng DXVL FM! Maraming Maraming salamat po sainyu! Sa aming mga sponsors at mga mga naging katuwang sa Tree growing Activity, Bloodletting Activity at sa Hatawan Para sa Batang Nangangailangan, taos puso po kaming nagpapasalamat… hanggang sa susunod na taon Kakoolitan…

DXVL Staff

...


Isang tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ni P03 Ruben Isederio, ang operative intelligence ng Kabacan PNP makaraang pagbabarilin kagabi dakong alas 11:40 sa brgy. Osias, Kabacan, Cotabato habang sakay sa kanyang motorsiklo papunta sa direksiyon ng Katidtuan.

Sa ngayon patuloy ang ginagawang imbestigasyong ng Kabacan PNP sa pangunguna ni P/Supt Joseph Semillano hinggil sa nasabing insedente.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng mga otoridad, sakay si Isederio sa kanyang motorsiklo mula sa kanyang duty sa Kabacan PNP kasama ang dalawa nitong pasahero, papauwi ng ito ay pinarahan ng dalawa kataong nagpanggap umanong mga sundalo na nagsasagawa umano ng check point sa lugar.

Ang sabi ng dalawa may ginagawa umano silang raid di kalayuan sa kanilang erya na dahilan kung bakit huminto ang biktima.

Subalit ng may nakitang may salukbit si Isederio na baril, agad pinaputukan ng di pa nakilalang salarin ang parak, patay noon din ang biktima habang di naman nasaktan ang dalawa nitong sakay.

Agad namang tinangay ng mga salarin ang minamaneho nitong sasakyan.

Batay sa report, ang dalawang mga suspek ay may apat pa na kasama sa erya.

Isang M16 Armalite rifle ang posibleng ginamit ng mga salarin sa pagpatay sa biktima batay sa empty shell na narekober sa crime scene.

Agad namang kinordon ng SOCO ang erya kagabi. (Rhoderick Beñez)



September 27, 2011

2 magkahiwalay na vehicular accident naitala sa Kabacan PNP

Sugatan ang isang Sampung taong gulang na bata makaraang aksidenteng mabangga ng isang motorsiklo kamakalawa ng hapon sa kahabaan ng National highway particular sa Dona Aurora St, Rizal Avenue, Poblacion, Kabacan, Cotabato.

Sa report ng Kabacan PNP; kinilala ang batang biktima na si Muaz Mangoser residente ng 26 Martin compound, Poblacion ng bayang ito.

Batay sa report naglalakad ang bata sa gilid ng National Highway ng aksidenteng mabangga ng humaharurot nakulay itim na Honda XRM na may plate # 4515 PG na minamaneho ni Andrew Palangpangan Marapao, 26,residente ng Plang, Village 2.

Kaagad na dinala ang biktima sa Medical Specialist, Kabacan, Cotabato para agarang lunas.

Alas 9:55 kahapon ng umaga nagbanggaan naman ang isang Multicab Suzuki Multicolor at isang Kawasaki 125 na motorsiklo sa pagitan ng Jacinto St, at Aglipay St. ng bayang ito.

Sa report ng Kabacan Traffice Police, lumalabas na habang binabaybay ng Multicab Suzuki Multicolor ay may plate # na MVW 815 ang Aglipay St. na galing sa terminal ng Van papuntamg terminal ng Bus ay aksidenting nabangga ng Kawasaki 125 na itim, ang kaliwang bahagi ng Multicab kung saan doon naka upo ang naturang driver na nag tamo ng mga galos.

Nabatid na matapos ang pangyayari agad umanong tumakbo ang driver ng Kawasaki 125 na may plate # JY 3013 na kinilala lang sa pangalang Brayan

Ang dalawang sasakyan ay naka-impound ngayon sa himpilan ng pulisya.




Sundalo; arestado dahil sa pagdadala ng granada sa inuman sa Kabacan; Cotabato

Inaresto ng Kabacan PNP ang isang sundalo habang nasa impluwensiya ito ng Vino de Pataranta at dahil na rin sa hawak hawak nitong granada habang nasa loob ng VideoKe Bar na nasa Mapanao St., Poblacion, Kabacan, Cotabato kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni P/Supt. Joseph Semillano, hepe ng Kabacan PNP ang nasabing kasapi ng militar na si PFC Baylon Abenes Jr., nasa tamang edad at residente ng Sangat, Mlang at miyembre ng 61st Recon Charlie Company na naka base sa Awang, Cotabato.

Ang nasabing sundalo ay sa ilalaim ng impluwensiya ng alak kaya’t agad na inireport ni Marlyn Marcos, ang may ari ng nasabing Video K Huz sa pulisya ang sundalo dahil sa hawak nitong pampasabog.

Sa ngayon, nasa kustodiya ng Kabacan PNP ang sundalo habang, inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya.

Samanatala, ikinustodi kahapon sa Kabacan PNP ang isang babae na may deperensiya sa pag-iisip makaraang lumilikha ito ng gulo kahapon ng umaga sa USM compound.

Nabatid sa report ng Kabacan PNP na ang nasabing babae na may deperensiya sa pag-iisip ay taga Brgy. Inas, Mlang, Cotabato.

Nang sa loob ng Kabacan lock-up cell kahapon, binabato nito ang ilang mga pulis personnel gamit ang mga bagay na mahahawakan nito.

Maging ang gripo sa loob ng selda sinira pa ng babae.

Nakatakdang i-turn-over ng Kabacan PNP ang babae sa Mlang PNP.



Unit III ; kampeon sa katatapos na Unilympics 2011

Nasungkit ng Unit 3 ang over-all champion sa katatapos na Hilayamet 2011 na may temang ‘NDDALM’T –AsalMapya So Manggiginawa na ginanap simula pa kahapon at nagtapos ngayong hapon sa isang maikling programa sa USM Gymnasium.

Nakuha din ng nasabing grupo ang kampeonato sa cheerdance na isinagawa din sa USM gymnasium ngayong hapon lamang.

Kabilang sa mga sports na pinaglalabanan ng mga ito ay ang Basketball Men, Modefied Volleyball, Kickball, Lawn Tennis, Table tennis, Badminton, Dart, Recreational Games, Chess, Scrabble, Group Ballroom Dancing, cheering at Popular Dance.

Ang nasabing grupo ay kinabibilangan ng College of Arts and Sciences, College of Health and Sciences, college of Engineering, College of Business Economics and Management o CBDEM, AIPS, University of Southern Mindanao Agricultural Research Center at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.

Nabatid na ang Unit 3 ay siya ring ideneklarang kampeon noong nakaraang taon.

Agad namang pinasalamatan ni USM Pres Jess Derije kasama ng ISPEAR family na pinamumunuan ni ISPEAR DEAN Flora Mae Garcia, HRMO at Mapeh Majors ang lahat ng mga faculty and staff ng USM sa naging matagumpay na aktibidad.


September 27, 2011


Hindi pa welcome sa pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF ang planung oil exploration sa Liguasan Marsh.

Ito ang sinabi sa DXVL Radyo ng Bayan ni Bangsamoro Islamic Armed forces Von Al Haq ang tagapagsalita ng MILF hangga’t wala pa umanong konkretong konklusiyon na peace agreement na mapagkasunduan ang MILF at ang GPH o Government of the Republic of the Philippines.

Sinabi ng opisyal na tutol ang posisyon ng Moro Islamic Liberation Front o MILF sa usaping ito, pero papayagan naman nila ang exploration kapag may nabuo ng peace agreement.

Sakop umano ng kanilang area of responsibility ang Liguasan Marsh bilang ancestral domain kaya’t hindi nila papayagang masira ang lugar.

Nabatid na ang Liguasan Marsh ang pinaniniwalaang may malaking deposito o reserve ng natural gas.

Gayunpaman, nananawagan si Al Haq sa mamamayan na suportahan ang ipinaglalabang usapang pangkapayapaan sa bahaging ito ng Mindanao dahil, aniya hindi lamang ito para sa Bangsamoro people kundi maging sa lahat ng residente sa lugar. 


September 27, 2011


Bagama’t maganda ang intensiyon ng pamunuan ng Office of the Provincial Veterinary para maiwasan ang pagdami ng biktima ng rabies sa probinsiya ng North cotabato, may nakikita umanong di maganda ang ilang mga residente sa panghuhuli ng aso dito sa bayan ng Kabacan.

Ayon sa isang residente ng USM housing na nasa USM compound na nagreklamo dito sa DXVL dahil ang hinuhuli umano ng mga team operation askal ay ang mga asong may nag-mamay-ari at ang masakit pa dito magbabayad ang mga may ari ng mga nahuling aso para lang matubos ang nasabing hayop.


Paliwanag naman ni Richard Molina, in-charge ng operation team askal na wala umanong katotohanan ang nasabing bintang dahil lahat ng mga asong pagala-gala lalo kapag walang tali kapag makita ng team operation askal ay walang kawala.

Sinabi pa nitong ang pera na kanilang makokolekta ay mapupunta naman sa probinsiya.

Sa ngayon abot sa 52 mga aso ang naka-impound ngayon sa Kabacan Municipal Agriculture Office.

Sinabi naman ni Kabacan Municipal Agriculturist Sassong Pakkal na ang nasabing panghuhuli ng mga aso ay nakasaad sa Executive Order no. 3 series of 2006 section 19 ng provincial Ordinance No. 88 na mas kilala sa tawag na Cotabato Province rabies control ordinance na naglalayong sugpuin ang kaso ng rabies sa probinsiya.

Kaugnay nito matapos ang limang araw na palugit, at kapag hindi pa rin natubos ang nasabing mga aso, papatayin na ang mga ito sa pamamagitan ng Mobile gas chamber, ayon kay Molina. (Rhoderick Beñez)

DXVL (Periodiko Express)
September 23, 2011


HINDI rin ligtas sa kasong administratibo si Army Private First Class Mariano Ampatuan dahil sa ginawa nito’ng pagpatay at paglibing sa misis niya’ng si Bernadette Tejing-Ampatuan sa loob mismo ng kampo nila sa Carmen, North Cotabato.
        
Ito’y maliban pa sa kasong parricide na isinampa ng mga kaanak ng biktima kontra sa suspect.
        
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na sa Carmen municipal police station ang pamunuan ng 524 Alpha Company ng Engineering Battalion ng Philippine Army para sa isasampang kaso.
        
Batay sa imbestigasyon na pinangunahan ni Carmen municipal police station, Chief Insp. Jordine Maribojo, inilibing ni Pfc. Ampatuan ang misis niya ilang metro lang ang layo mula sa bunk house na kanyang tinutuluyan.
        
Di rin malalim ang hukay na pinaglibingan sa biktima, ayon kay Maribojo.
        
Batay sa awtopsiya na isinagawa ni Dr. Jose Naquitquitan, ang municipal health officer ng Carmen, isang malaking sugat sa ulo dala ng pagpukpok rito ng matigas na bagay ang dahilan ng kamatayan ng biktima.
        
Sa kasong kriminal, parricide ang isasampa kontra kay Ampatuan.

Una, dahil misis nito ang kanyang pinatay.  

At pangalawa, planado ang pagpatay.

Pagkatapos kasi na mailibing ng suspect ang misis, nagtangka ito’ng itago sa pamilya ng biktima ang pangyayari.  Nagkunwari pa ito’ng hinahanap ang misis sa mga kaanak nito para itago ang krimen.

Pero ‘di ito nagtagumpay.

Dahil sa mahusay at malalimang pag-iimbestiga ng Carmen PNP, nabunyag ang isang ‘Crime of Passion’ na naganap sa loob mismo ng kampo ng Philippine Army.

September 23, 2011


Tila malamig na ngayon ang ilang mga kamag-anak ng biktima ng Maguindanao Massacre sa ipinaglalabang hustisya makaraang may mga ulat umanong lumalabas na binabayaran na ang ilan para i-atras ang kaso.

Ito ang nabatid ng mga mamamahayag sa isinagawang pagpupulong kaninang umaga ng mga kasapi ng National Union Journalist of the Philippines o NUJP Kidapawan city chapter na ginanap sa himpilan ng DXND sa Kidapawan City bilang paggunita sa ika-22 buwang anibersaryo ng karumal dumal na pagpaslang sa 57 katao kasama na dito ang 32 mamamahayag sa naganap na Maguindanao-Ampatuan Massacre sa brgy. Salman bayan ng Ampatuan, probinsiya ng Maguindanao noong November 23, 2009.

Sinabi ni NUJP Kidapawan City Chapter Pres. Malu Cadaleña Manar na sa kabila ng usad pagong na hustisya, di bibitaw ang grupo sa ipinaglalabang katarungan.

Hinamon pa nito ang grupo na mas lalo pang paiigtingin ang pakikibaka di lamang para malutas ang ipinaglalabang hustisya kundi masigurong matuldukan na ang “impunity” o pamamaslang sa mga kagawad ng media at anumang “extra judicial killing” sa bansa.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Atty. Al Calica, Kidapawan city prosecutor ang pinakahuling kaganapan sa kaso ng Maguindanao Massacre kungsaan, inihayag nitong malaki ang tiyansa na mananalo ang kasong ito laban sa mga akusado na pinangungunahan ni dating Maguindanao Governor Zaldy Ampatuan. 

DXVL (The Morning News)
September 22, 2011

Panibagong kaso ng pagdukot sa bata sa North Cotabato pinabulaanan ng PNP; missing child naitala sa Kabacan

NAPATUNAYAN ng mga imbestigador ng Kabacan Police na walang katotohanan ang itinawag na report na may dinukot na mag-aaral sa Barangay Kayaga sa bayan ng Kabacan, kahapon.
          
Ayon kay Supt. Joseph Semillano, hepe ng Kabacan PNP, agad na tinungo ng mga tauhan niya ang Barangay Kayaga nang matanggap ang report.  Maliban dito, nag-flash alarm din sila sa lahat ng mga istasyon ng pulisya na posibleng maging exit route ng mga kidnapper.
          
Pero ‘yun pala, isang malaking kalokohan lang ang lahat, ayon kay Semillano.
         
 ‘Di na rin tumawag sa PNP ang caller.
          
PERO habang ito’y nangyayari, tiyahin naman ang hanggang sa ngayon ay nag-alala kung nasaan na ang siyam-na-taong-gulang niya’ng pamangkin na noon pang Lunes, bandang alas-tres ng hapon, naiulat na nawawala.
          
Ayon kay Mrs. Daunding Piang, tiyahin ng biktima, iniwan niya lang sa kanilang bahay sa M.H. Pel Pilar St., Purok Masagana, Poblacion dito sa bayan ng Kabacan ang bata.   Pero pagbalik niya galing ng palengke, wala na roon ang pamangkin.
          
Batay sa pagsasalarawan ni Plang,  ang missing child ay balingkinitan, maiksi ang buhok, at naka-stripe na kulay violet ang damit.   
          
Hindi raw marunong magsalita ang bata, ayon kay Plang.
          
Nakita ang bata na sumakay ng Weena Bus na salungat naman sa pahayag ng ilan na umano huling namataan ang nawawalang bata sa may USM Avenue na may kasamang lalaki.
          
Sa ngayon, patuloy na nananawagan ang kanyang mga magulang at kamag-anak sa kung sinuman ang nakakakita kay Baby Lyn Andatuan, agad itext o itawag sa mobile phone numbers na ito: 0915-858-9373 o 0916-146-4573 o di kaya’y ireport sa Kabacan PNP.

September 22, 2011

Pinagdudahang asset ng NPA hinuli sa Magpet, grupo ng Karapatan, kinondena naman ang ginawa ng mga sibilyan

Ipinakulong ng mga sundalo ng 57th IB ang isang magsasaka na pinagdudahan nilang asset ng NPA sa bayan ng Magpet, North Cotabato.
      
Ayon kay Lt. Manuel Gatus, hepe ng civil military operations ng 57th IB, isang legitimate operation ang nangyari kahapon.
      
Sinundan umano ng tropa nina Gatus ang sibilyan hanggang sa ma-corner nila ito.   At no’ng kumpiskahin nila ang celfon nito, nabatid na nagbibigay ng tip sa NPA tungkol sa presensiya ng mga sundalo sa erya.
      
Pero dahil sa wala namang nakuhang armas mula sa kanya ay agad din namang pinalaya ito.
      
Mariing kinondina ng KARAPATAN na isang human rights group ang ginawa sa sibilyan.   Agad tinungo ng KARAPATAN ang detention cell ng Magpet PNP pagkatapos makarating sa kanila ang report patungkol sa pag-arestong nangyari.

DXVL (The Morning News)
September 21, 2011


Sasalubungin ng progresibong grupo ng kabataan ang anibersaryo ng pagpapatupad ng batas militar ngayong araw ng isang kilos-protesta bilang araw ng indignasyon at paninindigan ng mamamayang Pilipino laban sa militarisasyon tiranya at pasismo.

Isang panandang bato sa kasaysayan ng bansa ang araw ng Setyembre 21, kaya ito ay lalahukan ng ibat-ibang progresibo at militanteng organisasyon sa buong bansa.

Ayon kay sa tagapagsalita ng Kabataan partylist North Cotabato Ernesto Jay Apiag, inihayag nitong sa ilalim diumano ng kasalukuyang administrasyong Aquino nagpapatuloy umano ang panunupil sa karapatang sibil at pulitikal ng mamamayan.

Sinabi ng batang opisyal na mas mapanganib diumano ang kabuhayan at karapatan ng mga mamamayang Pilipino maging ng sambayanang Moro sa bagong kontra insurhensiya nitong OPLAN BAYANIHAN.

Giit ng opisyal na mas mapanganib umano dahil todo-buhos ang panlilinlang sa pamamagitan ng sistematikong psy-war at mga hungkag ng programa at proyektong pangkapayapaan at pangkabuhayan habang pinatitindi at pinalalawak nito diumano ang mga operasyong militar sa kanayunan at maging sa mga sentrong lungsod. Tulad diumano noong panahon ng martial law, lumalaki ang bilang ng mga biktima ng iligal na pang-aaresto, sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso at mga bilanggong pulitikal. Batay sa huling tala nitong Agosto 31, ang kasalukuyang bilang ay umaabot sa 360 na bilanggong pulitikal at sa ilalim diumano ng kasalukuyang gobyerno ay nakapagtala na ito ng 77 na iligal na pag-aresto at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso. Dagdag ni Apiag.

Sa ilalim ng gobyernong Aquino, batay sa huling dokumentasyon nitong Agosto 31, 2011, ay umaabot na sa limampu’t dalawa (52) ang biktima ng pamamaslang at may walong biktima ng sapilitang pagkawala. Bukod diumano sa hindi tumitigil na atake, masahol pa, walang indikasyong pananagutin ni Aquino ang siyam na taong pasismo at pagpapahirap sa mamamayang Pilipino ni Gloria Arroyo. Pagtatapos ni Apiag.

Ang masang pagkilos diumano sa araw na ito ay nagsisilbi bilang paunang malaking aksyon sa ikalawang hati ng taon para sa pagtataguyod at pagtatanggol sa karapatang pantao na lumulundo sa malaking pagkilos sa Ika-10 ng Disyembre bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.

Kaugnay nito, magsasagawa ng picket Rally ang mga progresibo at militanteng grupo ng mga Kabataan dito sa bayan ng Kabacan mamayang alas 5:00 ng hapon partikular na gagawin ito ngayong araw sa harap ng Botika Princess na nasa USM avenue.


Bagama’t aprubado na sa Sangguniang Panlalawigan ng North Cotabato ang gagawing field testing dito sa University of Southern Mindanao ng Bacillus Thurengensis o BT-Talong, wala pa umanong petsa kung kailan ito sisimulan.

Ito ang sinabi kahapon ni Co-Project/Technical Staff Fruit and Shoot Borer Resistant confined trial at USM Dr. Concepcion Bravo dahil sa manggagaling pa umano ang mga seeds nito sa Institute of Plant Breeding sa UPLB.

Giit ni Bravo na nakahanda naman umano ang 5,000 sq meters na erya na pagtatamnan ng nasabing biotechnology subalit pinayuhan silang lalakihan pa ang erya ng 80x80 sq meters na aabot na sa ngayon ng 6,400 sq meters.

Ang erya na inihanda ay partikular na makikita malapit sa opisina ng Philippine Carabao Center papuntang USM Agricultural Center o USMARC kung saan binabakuran na ito ngayon.

Isa ang USM dito sa Kabacan sa probinsiya ng North Cotabato sa pitong gagawing field trial ng BT Talong.

Nilinaw naman ni Dr. Bravo na walang epekto sa kalusugan ng tao ang pagkain ng BT, dahil wala umanong receptor ang tao sa BT dahilan kung kakain nito ay ilalabas lang din sa pamamagitan ng pagdumi di kagaya ng mga insekto na mataas ang kanilang alkaline kaya’t kapag kumain ang fruit at shoot borer ay mamamatay sila.

Ilang mga dumalo sa Multi-Sectoral Reproductive Health forum sa Kabacan; hati ang reaksiyon

Hati ang reaksiyon ng mga taong dumalo sa Multi-sectoral reproductive health forum na isinagawa ngayong araw sa USM gymnasium, Kabacan, cotabato.

Dito ipinaliwnag ni Gabriela Partylist Rep. Luzviminda Ilagan ang ilan sa mga magagandang dahilan kung bakit ipasa ang RH Bill.

Sinabi ng opisyal na sa pamamgitan ng nasabing panukala, mabibigyan ng proteksiyon ang kalusugan at buhay ng mga nanay, tinukoy din ni Ilagan na sa tamang agwat ng panganganak, mababawasan ang pagkamatay ng mga sanggol.

Giit pa nito na sa kanilang isinagawang pag-survey lumalabas na mas gusto diumano ng mga tao ngayon na mas maliit ang pamilya bunsod na rin ito ng kahirapan.

Kaugnay nito tinalakay din sa  nasabing pagpupulong ang “Updates on responsible Parenting Movement Program” at maging ang maternal health scenario ng Region 12, tuloy-tuloy na rin ang programa habang kumakain ay isinasagawa naman ang open forum.

Dito binibigyan ng pagkakataong makapagtanong ang sinuman hinggil sa House Bill no. 4244.

Ang nasabing forum ay nagmistulang hamon sa mga nagsipagdalo dahil na rin sa matapang at may paninindigan na mensahe na hatid ng panauhing pandangal sa nasabing aktibidad na si Representative of Gabriela Partylist Hon. Luzviminda Ilagan.

Ang nasabing forum ay may layuning ma aprobahan ang naturang batas na nagsasaad ng tamang paggamit ng mga ibat-ibang contraceptives at tamang family planning. Ang forum ay napuno ng samot saring opinion, diskusyon at mga katanungan ng mga nagsipagdalo na karamihan ditoy estudyante ng pamantasan ng katimugang Mindanao.

Sinabi naman ni Population Information Officer 1 Junmar Gonzales na malaking tulong ang nasabing panukala subali’t sa kabuuan ang mag asawa pa rin ang masusunod.



Lubog ngayon sa tubig baha ang ilang erya sa Brgy Pedtad at Brgy. Nangaan dala ng nakaraang araw na malakas na pagbuhos ng ulan na nagdulot na rin ng pagtaas ng tubig sa Pulangi river na naging dahilan matinding pagbaha sa ilang mabababang lugar sa dalawang brgy.

Maging ang ginawang peace covenant signing ay bahagyang naantala dahil sa naturang pagbaha kahapon.

Nahirapan kasing tumawid ang sasakyan ng 7th infantry battalion at ng LGU-Kabacan dahil abot sa leeg ang baha sa ilang mabababang erya ng nasabing barangay.  

Dahil sa hirap mapasok ang nasabing lugar dala ng di maayos na kalsada at mga pagbaha sa daanan, ipapaabot umano ni Board Member Duhlia Dandalani Sultan sa gobyerno ang problemang ito, si Sultan ay isa sa mga sumaksi sa Peace Covenant sa pagitan ng Brgy. Simone at Nangaan kahapon.

Samantala, naiulat din ang mga pagbaha ngayon sa bayan ng Pagalungan at Tunggol sa probinsiya ng Maguindanao.

Pinaniniwalaang dahil ito sa pag-apaw ng ilog sa Pagalungan at ilog tunggol.

Sa report kahapon, umabot na umano sa kalahati ng mga kabahayan ang taas ng tubig, pati ang mga paaralan na malapit sa ilog ay apektado.

Ayon sa mga residente doon palagi umanong nangyayari sa kanila ito subalit wala pa umanong ginagawang hakbang ang pamahalaang lokal doon.

PNP, Army sa North Cotabato pinag-iingat ang mga motorista sa bagong modus operandi ng mga magnanakaw ng motorsiklo

Muntik na sanang matangay noong Sabado ang motorsiklo ng isang deputized agent ng Land Transportation Office sa Kidapawan City.

Dalawang lalaki – edad beinte hanggang beinte dos – ang umano nagtungo sa bahay ng LTO agent at pinagsabihan ang tiyahin nito na pinakukuha raw sa kanila ang motorsiklo niya.

Nagkataon namang wala sa bahay ang motorsiklo ng agent kaya’t di nakuha ng mga lalaki.

Agad inaalarma ng agent ang PNP at ang Task Force Cotabato sa bagong modus operandi ng mga magnanakaw.

Payo sa mga katulong na ‘wag basta-basta magpapasok ng mga estranghero sa bahay kahit sabihin pa nila na sila’y inutusan ng kanilang amo.  Posible kasi na ito’y bahagi lang ng kanilang modus operandi.

Payo din ng PNP at Army sa mga may-ari ng motorsiklo na triplehin ang pagbabantay at pag-iingat sa kanilang mga sasakyan para walang pagkakataon ang mga magnanakaw na nakawin ang kanilang sasakyan.

Sa North Cotabato, abot na sa halos 40 mga motorsiklo ang natangay simula buwan ng Enero.