DXVL (Periodiko Express)
September 23, 2011
(update) Kasong administratibo inihahanda rin ng Philippine Army kontra sa sundalong pumatay at naglibing sa mismong misis sa Carmen, North Cotabato
HINDI rin ligtas sa kasong administratibo si Army Private First Class Mariano Ampatuan dahil sa ginawa nito’ng pagpatay at paglibing sa misis niya’ng si Bernadette Tejing-Ampatuan sa loob mismo ng kampo nila sa Carmen, North Cotabato .
Ito’y maliban pa sa kasong parricide na isinampa ng mga kaanak ng biktima kontra sa suspect.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na sa Carmen municipal police station ang pamunuan ng 524 Alpha Company ng Engineering Battalion ng Philippine Army para sa isasampang kaso.
Batay sa imbestigasyon na pinangunahan ni Carmen municipal police station, Chief Insp. Jordine Maribojo, inilibing ni Pfc. Ampatuan ang misis niya ilang metro lang ang layo mula sa bunk house na kanyang tinutuluyan.
Di rin malalim ang hukay na pinaglibingan sa biktima, ayon kay Maribojo.
Batay sa awtopsiya na isinagawa ni Dr. Jose Naquitquitan, ang municipal health officer ng Carmen, isang malaking sugat sa ulo dala ng pagpukpok rito ng matigas na bagay ang dahilan ng kamatayan ng biktima.
Sa kasong kriminal, parricide ang isasampa kontra kay Ampatuan.
Una, dahil misis nito ang kanyang pinatay.
At pangalawa, planado ang pagpatay.
Pagkatapos kasi na mailibing ng suspect ang misis, nagtangka ito’ng itago sa pamilya ng biktima ang pangyayari. Nagkunwari pa ito’ng hinahanap ang misis sa mga kaanak nito para itago ang krimen.
Pero ‘di ito nagtagumpay.
Dahil sa mahusay at malalimang pag-iimbestiga ng Carmen PNP, nabunyag ang isang ‘Crime of Passion’ na naganap sa loob mismo ng kampo ng Philippine Army.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento