DXVL (The Morning News)
September 21, 2011
Sasalubungin ng progresibong grupo ng kabataan ang anibersaryo ng pagpapatupad ng batas militar ngayong araw ng isang kilos-protesta bilang araw ng indignasyon at paninindigan ng mamamayang Pilipino laban sa militarisasyon tiranya at pasismo.
Isang panandang bato sa kasaysayan ng bansa ang araw ng Setyembre 21, kaya ito ay lalahukan ng ibat-ibang progresibo at militanteng organisasyon sa buong bansa.
Ayon kay sa tagapagsalita ng Kabataan partylist North Cotabato Ernesto Jay Apiag, inihayag nitong sa ilalim diumano ng kasalukuyang administrasyong Aquino nagpapatuloy umano ang panunupil sa karapatang sibil at pulitikal ng mamamayan.
Sinabi ng batang opisyal na mas mapanganib diumano ang kabuhayan at karapatan ng mga mamamayang Pilipino maging ng sambayanang Moro sa bagong kontra insurhensiya nitong OPLAN BAYANIHAN.
Giit ng opisyal na mas mapanganib umano dahil todo-buhos ang panlilinlang sa pamamagitan ng sistematikong psy-war at mga hungkag ng programa at proyektong pangkapayapaan at pangkabuhayan habang pinatitindi at pinalalawak nito diumano ang mga operasyong militar sa kanayunan at maging sa mga sentrong lungsod. Tulad diumano noong panahon ng martial law, lumalaki ang bilang ng mga biktima ng iligal na pang-aaresto, sinasampahan ng mga gawa-gawang kaso at mga bilanggong pulitikal. Batay sa huling tala nitong Agosto 31, ang kasalukuyang bilang ay umaabot sa 360 na bilanggong pulitikal at sa ilalim diumano ng kasalukuyang gobyerno ay nakapagtala na ito ng 77 na iligal na pag-aresto at sinampahan ng mga gawa-gawang kaso. Dagdag ni Apiag.
Sa ilalim ng gobyernong Aquino, batay sa huling dokumentasyon nitong Agosto 31, 2011, ay umaabot na sa limampu’t dalawa (52) ang biktima ng pamamaslang at may walong biktima ng sapilitang pagkawala. Bukod diumano sa hindi tumitigil na atake, masahol pa, walang indikasyong pananagutin ni Aquino ang siyam na taong pasismo at pagpapahirap sa mamamayang Pilipino ni Gloria Arroyo. Pagtatapos ni Apiag.
Ang masang pagkilos diumano sa araw na ito ay nagsisilbi bilang paunang malaking aksyon sa ikalawang hati ng taon para sa pagtataguyod at pagtatanggol sa karapatang pantao na lumulundo sa malaking pagkilos sa Ika-10 ng Disyembre bilang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao.
Kaugnay nito, magsasagawa ng picket Rally ang mga progresibo at militanteng grupo ng mga Kabataan dito sa bayan ng Kabacan mamayang alas 5:00 ng hapon partikular na gagawin ito ngayong araw sa harap ng Botika Princess na nasa USM avenue .
0 comments:
Mag-post ng isang Komento