Welcome Class 2015

Welcome Class 2015

Sa lahat ng mga sumuporta sa ating programa at aktibidad sa ika-siyam na taong anibersaryo ng DXVL FM! Maraming Maraming salamat po sainyu! Sa aming mga sponsors at mga mga naging katuwang sa Tree growing Activity, Bloodletting Activity at sa Hatawan Para sa Batang Nangangailangan, taos puso po kaming nagpapasalamat… hanggang sa susunod na taon Kakoolitan…

DXVL Staff

...


Dalaga na nakatakdang ikasal ngayong taon at isa pang motorista, patay sa salpukan ng motorsiklo sa Kidapawan City

DI NA UMABOT ng buhay sa ospital ang 19-taong gulang na si Nikki Joren Suarez Pegi ng Barangay Estado, Matalam matapos sumalpok ang minamaneho nito’ng Honda XRM 110 sa isa pang kasalubong na motorsiklo sa highway ng Kidapawan City, alas-720 ng umaga, kanina (April 7, Thursday).
          
Patay din ang driver ng nakabunggo nito’ng Honda XRM motorcycle na si Ariel Marquez, security guard ng Land Bank of the Philippines Kidapawan branch.
          
Ayon sa report, pauwi ng bayan ng Matalam ang dalagang si Suarez-Pegi nang makasalubong sa may ARC Phase 3 Subdivision sa Barangay Paco si Marquez na noon ay patungo na ng kanyang trabaho sa banko.
          
Ayon kay Police Officer 3 Ricardo Gigantana ng Traffic Division ng Kidapawan City PNP, kapwa tumilapon sa sementadong daan ang mga motorista at nabagok ang mga ulo.
          
Kapwa wala ring suot na helmet ang dalawa.  Ang guwardiya’ng si Marquez, bagama’t may dala’ng helmet, nakasukbit naman ito sa kanyang siko.
          
Isinugod sa Madonna General Hospital ang mga biktima pero idineklara na silang dead-on-arrival. 
          
Si Suarez-Pegi ay nakatakdang ikasal ngayong taon, ayon na rin sa kanyang mga kaanak.   
Pinipilit namang tanggapin ng misis ni Marquez ang sinapit ng mister.    Halos ‘di rin matanggap ng anak na ka-ga-graduate lang noong Marso sa kursong Nursing ang sinapit ng ama.

Turn-over ng 2 classroom sa brgy. Nangaan; pinangunahan ng gobernador

(Kabacan, North Cotabato/April 7, 2011) ---Mismong si Cotabato Governor Emmylou “Lala” Talino Mendoza ang nanguna sa pagpasinaya kahapon ng dalawang classrooms sa Nangaan Elementary School na sakop ng West Kabacan District.

Ang nasabing two-classroom building ay ipinagawa sa pamamagitan ng “Bayanihan”  sa tulong na rin ng mga residente, community leaders, school teachers and staff, Provincial Government, LGU-Kabacan sa pamumuno ni Kabacan Mayor George Tan mga sundalo ng 6ID, Philippine Army sailalim ni Major General Anthony Alcantara.

Umaasa naman si commanding Officer ng 6ID, PA Major Marlowe Patria na hindi na mauulit ang nasabing kaguluhan sa lugar kung ang lahat ay mag-tulong tulong.

Laking pasasalamat naman ni Abusama Piang ang Principal ng Nangaan Elementary School matapos silang mabigyan ng nasabing classrooms.

Bakas din sa mukha ng mga bata at mga residente ng Nangaan ang kasiyahang makabalik na sila sa kanilang lugar.

Kumbinsido rin si MNLF Chief of Staff ng Sabangan State Revolutionary committee Datu Matog Akmad Lumambas na lahat ng tao sa kanilang lugar ay ayaw sa gulo at nais din nila ang kapayapaan.

Kung maalaa, ang brgy. Nangaan ay naging conflict affected areas ang lugar matapos na magsagupaan ang dalawang grupo na naging dahilan ng paglikas ng libu-libong mga residente mula sa lugar nitong mga nagdaang buwan. (Rhoderick Beñez)

Traffic Aide Enforcer ng Kabacan, bawal manghuli ng mga pribadong sasakyan partikular ang mga single motorcycle at mga trucks

Ipinatawag kahapon sa Sangguniang Bayan ng Kabacan sa kanilang regular na session ang mga kasapi ng Traffic Aide Enforcer ng bayan matapos makatanggap ng reklamo ang mga opisyal hinggil sa diumano’y panghuhuli ng mga ito ng mga pribadong sasakyan.

Ayon kay ABC President at Poblacion Kapitan Herlo Guzman Jr. nakasaad sa Memo No. 2011-22 na ang mga tricycle at trisikad for hire franchising lamang ang pwede nilang hulihin kung lumalabag ang mga ito sa traffic rules and regulations ng munisipyo.

Ito ang ginawang paglilinaw ng opisyal makaraang makatanggap ng reklamo ang kanilang pamunuan hinggil sa panghuhuli diumano ng mga traffic aide enforcer ng mga pribadong sasakyan kagaya ng mga truck at single motorcycle partikular sa mga pangunahing lansangan ng Poblacion.

Nang tanungin sila ni Councilor Jc Guzman, humahawak ng Committee on Transportation kung sinu ang nag-uutos sa kanila na manghuli ng mga driver ng truck.

Ang paliwanag ni Elner Fajardo, kasapi ng Kabacan traffic aide na binigyan umano sila ng authorization ni Kabacan chief of Police Joseph Semillano para manghuli subalit ito’y verbal lamang.

Sa text message na ipinadal ni COP Semillano sa DXVL News, ganito ang nakasaad : “Yes, manghuli ng may traffic violation. Pero maraming complaint sa kanila kaya last Monday tinanggalan ko sila ng traffic citation ticket. Purely traffic direction and control na lang trabaho nila”.

Kaya naman binalaan na sila ngayon ng mga SB members sa pangunguna ni Presiding Officer Vice Mayor Pol Dulay na huwag ng manghuli ng hindi saklaw sa trabaho nila.







Dalawang batang preso kabilang sa mga nagtapos sa ilalim ng Alternative Learning System ng DepEd sa Kidapawan City

HINDI naging hadlang ang mga rehas na bakal para tumigil sa pag-aaral ang mga presong sina Anthony Brillo at Mariel Jeff Veraque, kapwa mga menor-de-edad na nasangkot sa iba’t ibang krimen.

Kasama ang dalawa sa 73 mga out-of-school youth (OSY) na nagtapos sa elementarya at hayskul sa ilalim ng Alternative Learning System (ALS) na programa ng Department of Education (DepEd).

Ginawa kahapon sa Mariposa Hall sa Kidapawan City Pilot Elementary School (KCPES) ang kanilang graduation ceremony.
        
Habang nagmamartsa hanggang sa pagtanggap ng diploma ay nasa tabi ang mga jail officers ng Kidapawan City Jail upang matiyak na ‘di magagamit ng dalawa ang okasyon para makatakas.
        
Si Veraque ay nahaharap sa kasong robbery, samantalang si Brillo ay may kasong drug trafficking.
        
Kapwa mga menor-de-edad pa ang dalawa nang mahuli at ipasok sa city jail.
        
Nang magbukas ang Kidapawan City Schools division ng tutorial classes sa mga batang preso noong nakaraang taon, kasama ang dalawa sa 11 na naka-avail ng naturang programa.  
        
Nagsimula ang klase nila noong Hunyo ng nakaraang taon.
        
Kada Lunes pumupunta sa city jail ang mga mobile teachers at sa loob ng kulungan sila nag-aaral. 
        
Abot sa 12 ang mga mobile teachers na nagsasagawa ng mga pag-aaral sa iba’t ibang lugar sa Kidapawan City na may mga OSY.

OFW mula sa Tulunan, North Cotabato nakatakdang bitayin sa China dahil sa drug trafficking

HALOS ikalugmok ng lola ng overseas Filipino worker (OFW) na si Richard Bianan nang malaman ang sinapit ng apo sa bansang China.
          
Ang buong akala ni Lola, maayos ang kalagayan ng apo nito sa naturang bansa.
          
AGAD tinungo kahapon ni Lola si Perlita Sapio, ang ina ng apo, para makibalita.  Ang hindi alam ni Lola, noon pa palang Disyembre ng nakaraang taon nabatid ni Aling Perlita ang sinapit ng anak.

Mismong si Aling Perlita ang nagsabi na inilapit na niya ang kaso ng anak kina Cotabato 2nd district Congresswoman Nancy Catamco at kay Cotabato Governor Lala Talino-Mendoza.    Ayon kay Sapio, kapwa nangako raw ang naturang mga opisyal ng tututukan ang kaso ng anak.
          
Ang OFW na si Richard Bianan ay tubong-Barangay Kanebong na nagtapos ng kursong Accountancy sa isang unibersidad sa Iligan City at naging consistent dean’s lister.  No’ng kumuha siya ng Certified Public Accountant (CPA) board exam noong 2006, nag-top 8 ito.   Nagtrabaho siya bilang accountant sa isang malaking kompanya sa Quezon City.
          
Pero nagtrabaho sa China dahil na rin sa isang kaibigang German national na iniwan din siya kalaunan doon. Nagkaroon ito ng girlfriend na isang Chinese national.
          
Noong July 2009, dinukot umano siya at ang kanyang girlfriend ng mga African black people at pinagtangkaang papatayin kung di lulunukin ang isang kilong heroine na inilagay sa 91 capsule.
          
Nakalusot siya sa bansang Singapore, pero hindi sa China.  Habang nasa eroplano, nakaramdam siya ng kakaiba na napansin ng mga stewardees kaya’t paglapag nila sa China deretso ito sa ospital.   Dito nalaman na may kargang droga sa katawan si Bianan. 
          
Sentensiyang bitay ang agad hatol sa kanya.   Lahat ng mga apela niya – maging ang petisyon ng Philippine embassy doon, ibinasura ng korte.
          
Kaya’t nakatakda ang pagbitay sa kanya sa July 2011. Gayunman, di nawawalan ng pag-asa si Bianan.   Sumulat siya kay Cotabato 2nd district Congresswoman Nancy Catamco at humingi ng tulong.
          
Sinabi ni Catamco na nakatutok na ang opisina niya sa kaso ni Bianan para maisalba ang buhay nito.


Tiniyak ngayong hapon ni Cotabato Division Education Program Supervisor Edmund Rosete na siento porsientong handa na ang delegasyon ng North Cotabato sa gagawing Cotabato Regional Athletic Association (CRAA) Meet sa Abril a-6 na isasagawa sa Koronadal City.

Sa panayam ng Radyo ng Bayan kay Rosete, napag-alaman na abot sa isang daan pitumpu’t walong mga delegado buhat sa elementary level habang dalawang raan at dalawampu’t isa para sa High School level ang sasabak sa nasabing kompetisyon.

Iginiit ng supervisor na lahat ng event sa nasabing kompetisyon ay lalahukan ng koponan ng Cotabato Division, 16 events para sa elementarya at 17 events para sa sekundarya.

Naglaan naman ang Provincial Government ng P1.3M na pondo para sa nasabing laro.

Kung maalala, ang Cotabato division ay rank 3 noong nakaraang taon sa nasabing kompetisyon.

Pitumpu’t siyam na mga coaches at chaperons ang sasama.

Kaugnay nito, una ng kinumpirma ni Department of Education Region 12 (DepEd 12) OIC Assistant Regional Director Allan Farnazo na alas singko ng hapon sa Abril a- 6 gagawin ang opening ceremonies sa South Cotabato Sports Complex.

Pagbabalik-loob ng mga estudyante sa University Student Government isa sa mga highlight ng outgoing administration ng USG Pres

Tiwala si Outgoing University Student Government President Ronald “Mocca” Padojinog na ang tiwalang ibinigay ng mga estudyante at ang pagbabalik-loob ng mga mag-aaral sa University Student Government ang nakikitang highlight sa administrasyon nito.

Sinabi ng batang pangulo na ang todo suporta at partisipasyon ng bawat isa sa lahat ng mga naging programa ng USG ay tinutugunan diumano ng mga mag-aaral.

Kaugnay nito, nagpaabot din ng pagbati si Padojinog sa lahat ng mga estudyante ng USM na magsisipagtapos ngayong taon.

Mahigit 1,500na mga estudyante ng USM; inaasahang magsisipagtapos ngayong taon

Anim na araw bago ang nakatakdang pagmartsa ng isang libu anim na raan at anim napu’t walong mga mag-aaral ng USM-main campus, todo handa na ngayon ang pamunuan ng University of Southern Mindanao para sa 65th commencement exercises na gaganapin sa April 9, 2011.

Sinabi ni USM Pres. Jesus Antonio Derije na magiging panauhing tagapagsalita si Agriculture Secretary Proceso Alcala.

Batay sa report ng University Public Relations and Information Office, napag-alaman na abot sa 38, 063 na mga estudyante buhat sa iba’t-ibang mga kurso ang naiproduced ng USM simula 1954.

35.41% dito ang nag-dropped simula taong 1986 hanggang 1990 na nakapagtala ng 2,504 na mga mag-aaral kumapara sa nakaraang mga taong natukoy na may 3,877 na estudyante. Nakarekober ang pamantasan na madagdagan ang enrollees nito makalipas ang limang taon simula 1991 hanggang 1995 na domuble hanggang sa kasalukuyan.

Kaugnay nito inaasahang abot sa mahigit kumulang sa 1,500 na mga mag-aaral ang mag-mamartsa ngayong hapon ng April 9.

Mahigit sa 100 kaso ng mga suspected cases ng tigdas, naitala sa rehiyon 12; Kabacan may 25 na kaso rin ng measles

Pormal ng magsisimula ngayong araw ang “Iligtas sa Tigdas ang Pinas” na kampanya ng Department of Health na isasagawa upang mabawasan ang bilang ng mga bata na nasa panganib na magkaroon ng Tigdas.

Ayon kay DOH-12 Health Education and Promotion Officer Jenny Ventura, ngayong araw ang gagawing kick-off ng nasabing programa ng Department of Health na door-to-door na pagbabakuna laban sa tigdas para sa mga batang may edad na siyam na
buwan at wala pang 8 taong gulang.

Base sa data ng DOH-12, sinabi ni Ventura sa panayam ng Radyo ng bayan na may isang daan at tatlumpu’t pitong kaso ng tigdas ang kanilang naitala dito sa Rehiyon dose.

Samantala, ayon naman kay Disease Surveillance coordinator ng Kabacan Honey Joy Cabellon, nakapagtala ang bayan ng dalawampu’t limang kaso ng tigdas sa bayan kungsaan karamihan sa mga tinamaan ay mga evacuees noon kasagsagan ng sagupaan sa brgy. Nangaan, sampu ang galing sa brgy. Pebpuluan, Carmen na galing ng brgy. Simone sa Kabacan, labin apat ang galing ng Nangaan at isa dito ang galing ng pikit na inadmit sa Kabacan Medical specialist.

Kaugnay nito nilalayon ng bansang Pilipinas na mawala ang sakit na tigdas sa buong kapuluan sa taong 2012.

Dito sa bayan ng Kabacan, pupunta ang mga vaccination team sa April 5 araw ng bukas sa brgy. Dagupan, Sanggadong at Malanduage habang sa April 6 naman sa brgy. Brgy. Bangilan at Bannawag.

Kaya naman may panawagan ngayon si Ventura sa lahat lalo ng mga magulang na papasukin ang mga vaccination team sa inyung mga tahanan.

Kidapawan bishop kabilang sa mga naimbitahan para sa tatlong araw na dialogue sa pagitan ng MILF at ng ilang sekctor na ginawa sa Davao City

KABILANG si Bishop Romulo Tolentino Dela Cruz ng Diocese ng Kidapawan sa mga nakipag-dayalogo sa mga opisyal ng peace panel ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.

Ang dayalogo na umabot ng tatlong oras ay ipinatawag ni International Alert’s country director Francisco Lara. Ang International Alert ay grupo ng mga peace advocates na nagmo-monitor sa takbo ng pag-uusap sa pagitan ng gubyerno at ng MILF.

Maliban kay Bishop Dela Cruz, dumalo rin sa dayalogo sina Davao Archbishop Fernando Capalla; Cotabato Archbishop Orlando Quevedo, 72;  Tagum Bishop Wilfredo Manlapaz is 70;  at Davao Auxiliary Bishop George Rimando.

Sa panig ng MILF, ang dumalo ay sina MILF information chief at peace panel chair Mohaqher Iqbal; senior panel member Datu Michael Mastura; Prof. Abhoud Syed Lingga; at B’laan Datu Antonio Kinoc.

Pagkatapos ng mga Catholic bishops, kinausap na naman ng MILF ang mga business executives sa Mindanao. Sa Davao City pa rin ginawa ang naturang pag-uusap.
Ang mga business executives ay pinangunahan ni Mindanao Business Council chair Vicente Lao.

Layon ng mga pag-uusap na marinig ng MILF ang mga opinyon o posisyon ng iba’t ibang sektor sa Mindanao .