OFW mula sa Tulunan, North Cotabato nakatakdang bitayin sa China dahil sa drug trafficking
HALOS ikalugmok ng lola ng overseas Filipino worker (OFW) na si Richard Bianan nang malaman ang sinapit ng apo sa bansang China .
Ang buong akala ni Lola, maayos ang kalagayan ng apo nito sa naturang bansa.
AGAD tinungo kahapon ni Lola si Perlita Sapio, ang ina ng apo, para makibalita. Ang hindi alam ni Lola, noon pa palang Disyembre ng nakaraang taon nabatid ni Aling Perlita ang sinapit ng anak.
Mismong si Aling Perlita ang nagsabi na inilapit na niya ang kaso ng anak kina Cotabato 2nd district Congresswoman Nancy Catamco at kay Cotabato Governor Lala Talino-Mendoza. Ayon kay Sapio, kapwa nangako raw ang naturang mga opisyal ng tututukan ang kaso ng anak.
Ang OFW na si Richard Bianan ay tubong-Barangay Kanebong na nagtapos ng kursong Accountancy sa isang unibersidad sa Iligan City at naging consistent dean’s lister. No’ng kumuha siya ng Certified Public Accountant (CPA) board exam noong 2006, nag-top 8 ito. Nagtrabaho siya bilang accountant sa isang malaking kompanya sa Quezon City .
Pero nagtrabaho sa China dahil na rin sa isang kaibigang German national na iniwan din siya kalaunan doon. Nagkaroon ito ng girlfriend na isang Chinese national.
Noong July 2009, dinukot umano siya at ang kanyang girlfriend ng mga African black people at pinagtangkaang papatayin kung di lulunukin ang isang kilong heroine na inilagay sa 91 capsule.
Nakalusot siya sa bansang Singapore, pero hindi sa China. Habang nasa eroplano, nakaramdam siya ng kakaiba na napansin ng mga stewardees kaya’t paglapag nila sa China deretso ito sa ospital. Dito nalaman na may kargang droga sa katawan si Bianan.
Sentensiyang bitay ang agad hatol sa kanya. Lahat ng mga apela niya – maging ang petisyon ng Philippine embassy doon, ibinasura ng korte.
Kaya’t nakatakda ang pagbitay sa kanya sa July 2011. Gayunman, di nawawalan ng pag-asa si Bianan. Sumulat siya kay Cotabato 2nd district Congresswoman Nancy Catamco at humingi ng tulong.
Sinabi ni Catamco na nakatutok na ang opisina niya sa kaso ni Bianan para maisalba ang buhay nito.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento