September 23, 2011
Ika-22 buwang anibersaryo ng Ampatuan-Maguindanao Massacre; ginunita ng mga grupo ng mamamahayag sa North Cotabato
Tila malamig na ngayon ang ilang mga kamag-anak ng biktima ng Maguindanao Massacre sa ipinaglalabang hustisya makaraang may mga ulat umanong lumalabas na binabayaran na ang ilan para i-atras ang kaso.
Ito ang nabatid ng mga mamamahayag sa isinagawang pagpupulong kaninang umaga ng mga kasapi ng National Union Journalist of the Philippines o NUJP Kidapawan city chapter na ginanap sa himpilan ng DXND sa Kidapawan City bilang paggunita sa ika-22 buwang anibersaryo ng karumal dumal na pagpaslang sa 57 katao kasama na dito ang 32 mamamahayag sa naganap na Maguindanao-Ampatuan Massacre sa brgy. Salman bayan ng Ampatuan, probinsiya ng Maguindanao noong November 23, 2009.
Sinabi ni NUJP Kidapawan City Chapter Pres. Malu Cadaleña Manar na sa kabila ng usad pagong na hustisya, di bibitaw ang grupo sa ipinaglalabang katarungan.
Hinamon pa nito ang grupo na mas lalo pang paiigtingin ang pakikibaka di lamang para malutas ang ipinaglalabang hustisya kundi masigurong matuldukan na ang “impunity” o pamamaslang sa mga kagawad ng media at anumang “extra judicial killing” sa bansa.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Atty. Al Calica, Kidapawan city prosecutor ang pinakahuling kaganapan sa kaso ng Maguindanao Massacre kungsaan, inihayag nitong malaki ang tiyansa na mananalo ang kasong ito laban sa mga akusado na pinangungunahan ni dating Maguindanao Governor Zaldy Ampatuan.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento