50 katao nalibing dahil sa gumuhong bundok
Trahedya ang bumalot sa bayan ng Pantukan sa Compostela Valley province matapos na malibing ng buhay ang tinatayang 50-katao nang gumuho ang isang bahagi ng bundok at matabunan ang maraming kabahayan doon.
Patuloy pa rin kahapon ang paghahanap sa mga labi at posibleng survivors sa nasabing bayan, ngunit habang tumatagal ay nawawalan ng pag-asa ang mga kaanak ng nalibing.
Gumuho nitong Holy Friday ang malaking bahagi ng bundok na tinatawag na Site B, isang lugar na kung saan ay talamak ang small-scale mining. Umabot na sa 11-katao ang nailigtas ng militar sa gumuhong lugar, subalit hirap pa rin ang mga sundalo sa paghahanap ng survivors dahil sa halos napatag na ang mga dating pinagtatayuan ng mga kabahayan.
Nasa lugar si Paniza at sinabi nitong aabot sa halos kalahating kilometro ang laki ng gumuhong bundok. Malakas umano ang ulan sa lugar sa mga nakalipas na araw.
Dakong alas-2:30 ng madaling-araw nang naganap ang pagguho kung kaya’t karamihan sa mga nalibing ay tulog.
Ilang ulit na rin umanong sinabihan ang mga residente doon na itigil na ang pagmimina dahil ito’y ilegal at sa nakaambang panganib, ngunit nananatiling bingi ang mga residente doon.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento