06:08PM
BFP 12 pinangunahan ang pagdiriwang ng Fire Protection Month ngayong Marso
Abalang-abala ang mga kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) dito sa Rehiyon Dose kaugnay ng pagsisimula ng isang buwang pagdiriwang ng Fire Prevention Month ngayong buwan ng Marso.
Sa pamumuno ni regional director S/Supt Alejandro M. Cagampang, sinimulan kahapon ang kick-off activity sa pamamagitan ng Motorcade sa mga lansangan ng Lungsod ng Koronadal.
Layon ng isang buwang pagdiriwang ang mabigyan ng tamang impormasyon at edukasyon ang mga mamamayan lalo na sa pag-iingat at pag-iwas sa pinsalang dulot ng apoy o sunog.
Highlight ng selebrasyon ang pagsasagawa ng Fire Olympics o isang Fire-Fighting Combat Challenge na inaasahang lalahukan ng lahat ng mga units ng mga firefighters ng pamahalaan na nasa iba’t-ibang bahagi ng buong Rehiyon Dose.
Kasali rin sa Combat Challenge ang mga Volunteer Fire Brigades ng mga pribadong institusyon.
Sinimulan na ring bisitahin ng mga personnel ng BFP 12 ang mga pribado at pampublikong paaralan at mga tanggapan ng ahensiya ng pamahalaan sa buong rehiyon.
Dito sa bayan ng Kabacan, sinimulan din ang nasabing selebrasyon sa pamamagitan ng pag-iikot ng mga kagawad ng pamatay apoy sa pangunguna ni Kabacan Senior Fire Marshall Ibrahim Guiamalon sa mga pangunahing lansangan ng Kabacan noong umaga ng Martes.
Ang Presidential Proclamation no. 115-A ay nagdedeklara sa buwan ng Marso bilang Fire Prevention Month kungsaan nakasentro ang selebrasyon ngayong taon sa temang “Kahandaan sa sunog… Tungo sa Kaunlaran”.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento