Written by: Ruel Villanueva
(Amas, Kidapawan City/ January 18, 2012) --- Namahagi kamakailan (1/12/2012) ng mga binhi ng palay sa mga magsasaka na sinalanta ng mga nakaraang pagbaha sa mga apektadong Barangay ng Mlang ang Provincial Government of Cotabato. Ito ay bahagi ng Serbisyong Totoo program ng lalawigan.
Ito ay isinagawa sa pamamagitan ng Office of the Provincial Agriculturist sa ilalim ng pamamalakad ni OIC Provincial Agriculturist Eliseo M. Mangliwan.
Ang mga binhi ng palay na ipinamahagi ay magsisilbing tulong na panimulang binhi ng mga magsasakang apektado ng mga nakaraang pagbaha. Pinangunahan ni Gov. Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang pamamahagi kasama ang mga kinatawan mula sa Office of the Provincial Agriculturist ng lalawigan.
May kabuuang 454 bags ng certified na binhi ng palay ang naipamigay na ang variety ay NSIC 222 at NSIC 214.
Kaparehong bilang din ng mga magsasaka ang nabahaginan ng binhi na mula pa sa sampung Barangay ng Mlang na kinabibilangan ng mga sumusunod: New Lawaan; Dugong, Dungguan, Buayan, Liboo, New Antique, Inas, Lepaga, Lika at Dalipe.
Bago pa isinagawa ang pamamahagi ng binhi ay nagkaroon muna ng maikling palatuntunan na kung saan ipinaliwanag ang kahalagahan ng programa sa mga apektadong magsasaka ng mga nakaraang pagbaha.
Ayon kay Gov. Mendoza, ang nabanggit na Calamity seed assistance ay nabuo sa konseptong tulungan na makabangong muli ang mga magsasakang sinalanta ng flash flood na kung saan ang assistance na ito ay aprubado pa ng Sangguniang Panlalawigan ng Cotabato.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento