(Kabacan, North Cotabato/January 16, 2012) ---Ikakasa ng mga progresibo at militanteng grupo ng mga kabataan ang isang pagkilos sa pagbubukas ng makasaysayang Pambansang linggo ng kabataan.
Tinawag itong paunang tambol ng mga kabataan para sa isang linggo ng paggunita sa diwang nasyonalismo ng mga kabataang Pilipino at muling isabuhay ang makasaysayang ambag ng mga ito sa pagsusulong ng isang makatotohang demokrasya at kasarinlan.
Ayon kay Darwin Rey Morante, tagapagsalita ng ANAKBAYAN pinatunayan na umano sa kasaysayan ang aktibong paglahok ng mga kabataan na pagsilbihan ang sambayanan.
Mula sa progresibong panulat ng bayaning si Rizal, ang Katipunan ng martir na si Andres, sa kilusang estudyante ng dekada ’70 hanggang sa kasalukuyan ay walang pag-aalinlangan na nakikiisa ang mga ito sa sosyo-pulitikal na usapin at ang direktang paglahok ng mga ito sa pakikibaka ng masang anakpawis.
Aniya, hinog diumano ang panahon upang muling maisabuhay ng mga kabataan ang tungkulin nito sa pagpupukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa malawak na hanay ng kabataan at ng ibat-ibang sektor ng ating lipunan.
Kaugnay nito, bilang paunang tambol sa pambansang linggo ng kabataan, ilulunsad ng mga progresibo at militanteng grupo ng mga kabataan ang isang kilos-protesta ngayong araw, Lunes alas kuwatro mamayang hapon sa harap lamang ng BOTIKA PRINCESS.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento