(Kabacan, North Cotabato/ August 10, 2013)
---Sugatan ang apat katao makaraang tamaan ng pinaniniwalaang launcher grenade ang
bahay ng isang kasapi ng CAFGU na nasa Rizal St., Poblacion, Kabacan, North
Cotabato pasado alas 7:00 kagabi.
Kinilala ni PCInsp. Jordine Maribojo, hepe
ng Kabacan PNP ang mga sugatan na sina Eddie Antolin, 49 kasapi ng Citizens
Armed Forces Geographical Unit (CAFGU); Benjamin Ferrer, 67; Lucena Ferrer, 60
at isang 9 na taong gulang na bata na kinilalang si Dzazer Ezekiel Antolin
lahat nakatira sa nasabing bahay.
Sa ginawang pagsisiyasat ng pinagsanib na
pwersa ng Kabacan PNP, sundalo at ng EOD Team nabatid na posible umanong galing
sa brgy. Kayaga ng bayan nakaposisyon o ang pinagmulan ng nasabing pampasabog
batay sa ginawang crater analysis ng mga otoridad.
Mabilis namang isinugod ang mga biktima sa
Kabacan Medical specialist Center para mabigyan ng medikal na atensiyon.
Habanag nagpapatuloy naman ngayon ang
ginagawang malalimang imbestigasyon ng mga otoridad para tukuyin ang responsible
sa nasabing krimen at ma-establish ang totoong motibo.
Sa pinakahuling report ng DXVL News, nasa
maayos na kalagayan na ngayon ang mga biktima habang nagpapagaling ngayon sa
nasabing bahay pagamutan.
Nangyari ang insedente, isang araw bago
matapos ang Ramadan at kasagsagan ng pagdiriwang ng Eid al Fitr ng mga kapatid
nating Muslim.
Matatandaan na nitong Lunes ay pinasabugan din ang lungsod ng Cotabato at ikinasawi ng walo katao at ikinasugat ng maraming iba pa.
Bukod dito, ginulantang din ng pagsabog ang bayan ng Midsayap alas 3:30 ng madaling araw nitong Miyerkules.
Dahil sa lakas ng pagsabog ay nawasak ang harapang bahagi ng pawnshop at mga salamin ng ilang tindahang malapit sa nasabing lugar.
Bagama’t walang nasugatan sa pagsabog, nagdulot naman ito ng takot sa mga kawani ng dxMA-FM104.1 Wow Radio na nasa ikalawang palapag kung saan nabasag ang mga gamit nito kaya nag off-air sandali ang nasabing radio station.
Samantala, ayon naman kay North Cotabato PNP director P/Senior Supt. Danny Peralta, bago ang pagsabog ay nakatanggap ng text messages ang security forces na may susunod na pambobomba.
Dahil dito ay umalerto ang pulisya at militar kung saan inilatag ang checkpoint subalit wala namang nangyaring pambobomba pero kahapon ng madaling-araw ay may sumabog sa bayan ng Midsayap.
Kaugnay nito, inatasan na rin ni Cotabato Gov. Emmylou “Lala” Taliño Mendoza ang mga kapulisan na laliman ang imbestigasyon sa mga magkakahiwalay na pagsabog sa probinsiya. (Rhoderick Beñez)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento