(North Cotabato/ April 21, 2015)
---Inako ngayon ng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang
reponsibilidad sa sunud-sunod na pagpapasabog sa Cotabato City at Maguindanao
nitong weekend.
Sa panayam ng DXVL News kay Phil.
Army's 6th ID Division Public Affairs Office Chief Captain Joan Petinglay na
alas-7:05 nitong Sabado nang ihagis ng isang naka-motorsiklo ang isang granada
sa isang police outpost sa kahabaan ng national highway sa Barangay Tamontaka 2
sa Datu Odin Sinsuat kung saan, wala namang naitalang sugatan.
Samantala, hinagisan din ng granada
ang isang trak ng special forces ng militar habang nagpapatrolya sa Sinsuat
avenue sa Cotabato City ilang sandali makaraan ang nangyari sa Datu Odin
Sinsuat.
Ayon sa driver ng trak mula sa 5th
Special Forces, tumalbog umano ang granada sa windshield ng trak at sumabog sa
kalapit na restaurant kung saan, isa ang naitalang sugatan at agad isinugod sa
ospital.
Tinangka pang habulin ng mga sundalo
ang nakamotorsiklong suspek ngunit hindi na nila ito naabutan dahil sa trapik.
Kasunod nito, isa namang Improvised
Explosive Device ang itinapon ng isa ring nakamotorsiklo sa main headquarters
ng 5th Special Forces Battalion ngunit hindi ito sumabog.
Dahil dito, sinabi ni Petinglay na nagsanib-puwersa
na ang militar at pulisya sa pagsasagawa ng hot pursuit operations sa lugar.
Ayon sa BIFF, pagpapakitang gilas ng
bagong pinuno ng kanilang grupo ang nangyaring sunud-sunod na pagpapasabog sa
mga nabanggit na lugar.
May mga inilatag na ring hakbang
ngayon ang militar para maiwasan ang kahalintulad na insidente. Rhoderick Beñez
0 comments:
Mag-post ng isang Komento