(Kabacan, North Cotabato/ May 3, 2014) ---Arestado
ng mga otoridad ang suspek na responsable sa paghagis ng granada sa isang
commercial establishment sa USM Avenue, Kabacan, Cotabato pasado alas 11:00
kagabi.
Kinilala ni Supt. Jordine Maribojo, hepe ng
Kabacan PNP ang suspek na si Abdul Gulam Hamid, 23-anyos, binata, tricycle
driver at residente ng Palimbang, Sultan Kudarat.
Natimbog ang suspek sa isinagawang dragnet
operation ng PNP sa tulong ng BPAT sa panulukan ng Mapanao-Ma. Clara St.,
Poblacion ng bayang ito.
Narekober ng mga otoridad ang isa pang
piraso ng granada ng matiklo ang suspek lulan sa minamaneho nitong kulay itim
na Bajaj Motorcycle na may plate number 8232 QN.
Bagama’t walang nasugatan o nasaktan sa
nasabing pagsabog, nag-iwan naman ito ng pinsala sa rolled up door ng costar
establishment at mga kalapit na tindahan nito sa USM Avenue.
Sa ngayon, nakapiit ang suspek sa Kabacan
Lock up cell habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya. Rhoderick Beñez with report from USM Devcom
Intern Zhaira Sinolinding
0 comments:
Mag-post ng isang Komento