Written by: Roderick Bautista
(Midsayap, North Cotabato/February 24, 2012) ---Hiniling ni North Cotabato First District Representative Jesus “Susing” Sacdalan sa mga punong barangay ng 12 barangay beneficiaries ng Payapa at Masaganang Pamayanan o PAMANA Program na bantayan ang pagpapatupad ng natukoy na programa sa kanilang lugar.
Bilang Chairperson ng House Special Committee on Peace, Reconciliation and Unity, ginawa ito ni Cong. Sacdalan upang maipaalam sa mga barangay captains ang kanilang mahalagang responsibilidad sa ikatatagumpay ng nasabing programa.
Binigyang diin ng opisyal na dapat alam ng mga kapitan ang detalye ng anumang programang ipapatupad sa kanilang komunidad nang hindi masayang ang abot sa 6 Million pondo na inilaan para sa bawat barangay beneficiary ng PAMANA.
Pinaalalahanan din ng opisyal na kailangang may maayos na koordinasyon sa local government units at barangay councils sa implementasyon ng government peace programs.
Inihayag din ni Cong Sacdalan na hindi ito makikialam sa pagpapatupad ng PAMANA program ngunit hinikayat nito ang mga kapitan na pag- usapan kasama ang lihitimong implementing agency kaugnay ng tamang paggamit ng pondong nagmula sa national government.
Iminungkahi rin ng opisyal na magsagawa ng konsultasyon sa darating na March 09 ng taong kasalukuyan kasama ang mga opisyal ng OPAPP, LGU Midsayap, Magungaya Foundation at mga opisyal ng barangay beneficiaries upang pag- usapan ang implementasyon ng PAMANA program sa bayan ng Midsayap.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento