(Kidapawan city/February 25, 2012) ---Patung-patong na kaso ang isinampa ni Mildred, ‘di niya tunay na pangalan, laban sa mister niya’ng si David, matapos sabuyan siya nito ng asido habang nasa trabaho sa Kidapawan City, kamakaylan.
Kinasuhan ni Mildred ang mister ng serious physical injuries, physical at psychological abuses sa ilalim ng Republic Act 9262 o Violence Against Women and Children o VAWC.
Kahapon, isinumite na ng kampo ni Mildred ang kaso sa Office of the Provincial Prosecutor sa Kidapawan City.
Suportado si Mildred ng City Social Welfare and Development Office at ng Criminal Investigation and Detection Team.
Ayon kay Aida Labina ng CSWDO, di lang sugat sa mukha at kamay ang tinamo ni Mildred. Maging ang puso nito durog na durog na rin.
Maagang nag-asawa sina Mildred at David.
Pero madalas sila’ng mag-away. Si David, kwento ni Mildred, ay walang trabaho. At kahit wala na nga’ng trabaho madalas pa raw siya’ng saktan ng mister dahil sa matinding pagseselos.
Noong Lunes, nasa trabaho si Mildred nang biglang dumating si David at sabuyan ito ng asido.
Lapnos ang bahagi ng mukha at mga kamay nito.
Sa pamamagitan ni Labina, ipinarating ni Mildred ang kanyang paghingi ng tulong mula sa Magpet LGU at sa mga awtoridad.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento