(Maguindanao/ April 15, 2015) ---Patay
na ang kilabot na founder ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) matapos
itong ma-stroke sa kanilang hideout sa bulubunduking bahagi
ng Barangay Bagan, bayan ng Guindulungan, Maguindanao kahapon ng madaling
araw.
Base sa nakalap na impormasyon ng
intelligence operatives, dakong alas-2 ng madaling araw ng mamatay si BIFF
founder Al-Ustaj Amiril Umbra Kato na dumaranas ng mga kumplikasyon sa kaniyang
sakit.
Sinasabing si Commander Kato ay
inilibing bandang alas-7 ng umaga sa Barangay Kateman sa nasabing bayan.
Kinumpirma rin ni Abu Misri Mama,
spokesperson ng BIFF na patay na ang kanilang founder na si Umbra Kato dahil sa
plema at hindi sa stroke.
Kasabay ng pagkawala ni Kato, agad
namang itinalaga si Sheik Ismail Abu Bakar na dating vice chairman ng
political affairs ng BIFF.
Nang matanong naman si Mohaqher
Iqbal, chief negotiator ng MILF, sinabi nito na sumakabilang buhay na si Kato
at nagluluksa ngayon ang BIFF.
Sa panig naman ni Von Al Haq, chief
ng MILF military na natanggap nila ang ulat pero hindi pa ito maberipika kung may
katotohanan.
Si Kato na dating commander ng 105th
Base Command ng MILF kasama ang dalawa pang commander ay tumiwalag sa MILF at
nagtatag ng BIFF matapos namang mabasura ang Memorandum of Agreement on
Ancestral Domain (MOA-AD) noong 2008.
Ang grupo rin ni Kato ang sumalakay
sa ilang bayan ng Lanao del Norte at
North Cotabato noong Agosto 2008 kung saan maraming buhay ang namatay.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento