(North Cotabato/ November 18, 2015) ---Iniimbestigahan
na ngayon ng mga otoridad ang nangyaring pagsabog ng isang pampasaherong Van sa
Davao city, mag-aalas 10:00 ngayong umaga.
Sa impormasyong nakalap ng DXVL News,
sinasabing kabababa lamang ng mga pasahero sa SM Ecoland at papunta sa isang
carwash ng sumambulat ang pagsabog mula sa di pa matukoy na uri ng eksplosibo.
Nabatid na galing umano sa bayan ng Midsayap
ang naturang Van na may biyaheng Davao City kaninang umaga ng mangyari ang
insidente.
Pinagdududahan ang dalawang pasahero na
sumakay sa Pikit, North Cotabato na posibleng nagdala ng bomba.
Ito ay batay sa ipinalabas na ng Task Force
Davao ang video kung saan makikita ang isang lalaki na sinasabing person of
interest sa pagsabog.
Makikita rito ang isang lalaki na nakasuot
ng itim na jacket, pantalon at naka-shades, na tiningnan ang papalabas na van
bago ito nagpatuloy sa paglalakad.
Ayon kay Chief Inspector Milgrace Driz,
Tagapagsalita ng Davao City Police, nangyari ang pagsabog nang dumaan ang van
sa bahagi ng Matina District.
Sinabi ng opisyal, posibleng extortion o
pangingikil mula sa isang grupo sa Pikit, North Cotabato, ang dahilan nito.
Inamin umano ng driver ng van na si Herman
Daag na nakatanggap ng extortion letter ang pamilya ng operator ng van na si
Gregorio Guerrero.
Bukod sa pangingikil, inaalam din ang report
kung posibleng may kinalaman sa personal grudge ang dahilan ng insidente
matapos binuwag ang mga illegal van terminals sa lungsod.
Una ng ipinahayag ng driver na may apat
silang pasahero nang pumasok na sila ng Davao City kung saan dalawa nito ay
mula sa Pikit at mag-ina na mula sa Digos City.
Ang tatlo sa kanila ay bumaba sa SM terminal
at ang isa naman ay sa labas ng terminal na malapit lamang sa pinangyarihan ng
pagsabog. Rhoderick Beñez
0 comments:
Mag-post ng isang Komento