(Kabacan, North Cotabato/ August 13, 2013) ---Muling hinigpitan ngayon ang seguridad sa bayan ng Kabacan matapos ang sunod-sunod na pagpapasabog sa bayan.
Ayon kay PCInsp. Jordine Maribojo, hepe ng Kabacan PNP malaki ang paniniwala nito na munisipyo ang target ng grupo na pasabugan pero sumimplang umano ang projectile ng pagbaril ng mga suspek gamit ang grenade launcher.
Dahilan kung bakit tumama sa bubong ng Comelec office ang bala ng 40mm na nagresulta sa pagkapinsala ng kisame.
Ito na ang ikalawang pagpapasabog sa loob lamang ng isang linggo.
Iisang grupo umano ang may kakagawan ng pagpapasabog sa tanggapan ng comelec at sa bahay ng isang cafgu na si Eddie Antolin na nagresulta sa pagkakasugat ng tatlo pa nitong kasama sa bahay noong Biyernes ng gabi.
Isa sa mga motibong tinitingnan ngayon ni Maribojo ay panggugulo at pananabotahe sa peace and order ng bayan.
Ito makaraang seryoso si Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr., na tutukan ang Peace and order ng bayan kung kaya’t unti-unti ng nabubuwag ang drug den at ang mga illegal na gawain sa bayan, kabilang na dito ang pamamaslang, nakawan ng motorsiklo at ang talamak na bentahan ng illegal na droga.
May grupo na umano silang sinusundan pero itinanggi munang ihayag ni Maribojo sa DXVL News, para di madiskarel ang ginagawa nilang pagsisiyasat.
Posibleng naka-motor umano ang nasabing mga suspek ng pasabugan nila ang municipal compound bago mag –alas 3:00 ng madaling araw kahapon.
Samantala sa kaugnay na balita, pinalalakas ngayon ng Kabacan PNP ang intelligence gathering nila para matumbok ang mga suspek na responsable sa panibagong pagpapasabog sa bayan.
Pinawi din ni PCInsp. Maribojo ang pangamba ng publiko na walang kinalaman sa terroristic attack ng mga rebeldeng grupo bagaman di pa rin nila binabalewala ang nasabing anggulo.
Bukod sa intel gathering ay patuloy rin ang pagpapatrol at police visibility ng kanyang tropa kahit gabi.
Ito rin ang naging deriktiba sa kanila ni Mayor Herlo Guzman Jr., para tiyakin ang seguridad ng mamamayan ng Kabacan laban sa mga masasamang loob.
Nangyari ang insedente ilang araw bago ang pagdiriwang ng ika-66 na taong pagkakatatag ng Kabacan sa darating na ika-18 ng Agosto.
Kaugnay nito, nagpatupad na rin ngayon ang Pamahalaang Lokal ng Kabacan ng curfew hour.
Ipatupad ang curfew hour mula alas 10:00 ng gabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw.
Ang mga minor de edad na pakalat-kalat sa mga pangunahing kalye ng Poblacion na lampas sa mga oras na ito ay huhulihin ng Kabacan PNP.
Bukod dito, sinabi ni Maribojo na may mga operasyon din sila sa mga Video K houses sa Poblacion, Kabacan at ang walang permit to operate ay lagyan nila ng for closure, alinsunod sa kautusan ng punong ehekutibo. (Rhoderick Beñez)
DXVL Staff
...
Kabacan, muling inilagay sa heightened alert matapos ang sunod-sunod na pagsabog sa bayan
Lunes, Agosto 12, 2013
No comments
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento