(Cotabato Province/March 16, 2012) ---Tinawag ngayon ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Talino Mendoza na isang “artificial” lamang umano ang nangyayaring power shortage sa Mindanao.
Cotabato Gov. Emmylou "Lala" Talino Mendoza |
Paraan lamang daw ito ng National Grid Corporation of the Philippines para i-pressure ang mga LGU officials sa buong Mindanao na payagan ang pagsasapribado ng mga natitira pang planta sa rehiyon.
Nabatid na ang NGCP ay isang pribadong institusyong pangunahing nagbibigay ng serbisyo sa transmission ng kuryente papunta sa mga distributor nito.
Nais raw kasi ng Power Sector Assets and Liabilities Management o PSALM na ibenta na lamang ang Agus hydro-electric power plant sa Iligan City at ang natitira pang dalawang power barges na kontrolado pa ng National Power Corporation o Napocor.
Ang Napocor, ayon sa PSALM, ay baon pa rin sa utang kahit kabi-kabila na ang pagbenta nito ng mga planta ng gubyerno.
Kaugnay nito, walang kontrol ang Department of Energy o DoE sa load curtailment na ipinatutupad ng National Grid Corporation of the Philippines o NGCP sa Mindanao matapos maipasa ang Energy Power Industry Reform Act o EPIRA na batay sa batas na ito hindi na puwede’ng panghimasukan ng DoE ang mga plano o desisyon ng NGCP.
Kaya’t ang kahilingan, sa ngayon ng mga government official mula sa Mindanao, ay hilingin sa NGCP na ibaba na lang ang reserve capacity ng mga power plant.
Sa ngayon, halos ay nasa NEGATIVE RESERVE na ang mga planta sa Mindanao, ibig sabihin, ay halos wala nang mapagkukuhanan ng suplay ng kuryente para sa rehiyon.
Kaya’t ang brownout sa North Cotabato, mula tatlumpung minuto ay umaabot na sa anim na oras, kada araw.
Sa service erya ng Cotelco sa Kabacan ang buong Feeder 11 at 12 ay makakaranas ng power interruption tuwing gabi mula alas 8:20 hanggang alas 10 ng gabi. (RB)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento