(Kabacan,North Cotabato/March 15, 2012) ---Isinampa na ang kasong illegal possession of firearms laban sa isang nagpakilalang asset ng Philippine Army na nakuhanan ng armas na walang kaukulang papeles.
Nakuha mula sa 22-taong gulang na si Jan Dianalan Pangabo ang isang caliber 45 pistol na may serial number 289517; magazine; at anim na mga bala.
Ayon kay Supt. Joseph Semillano, hepe ng Kabacan PNP, nakuha mula kay Pangabo ang naturang armas nang pumasok ito sa Novo Department Store noong Biyernes ng hapon.
Isinuko raw ni Pangabo ang kanyang armas nang pumasok ito sa naturang tindahan.
Nagkataon rin na nasa erya ang mobile patrol ng Kabacan PNP kaya’t sinita ang suspect.
Nang hanapan siya ng mga papeles, wala siya’ng maipakita. Maging ang dokumento na magpapatunay na siya’y asset ng military wala siya’ng maiprisinta kaya’t sa kulungan ang bagsak nito.
Si Pangabo ang ikalawang mga nagpakilalang ahente ng isang tropa ng gubyerno na nakuhanan ng illegal na armas.
Ang una ay noong nakaraang Lunes kung saan isang nagpakilalang agent ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA-Davao del Sur ang nakuhanan din ng pistola nang walang kaukulang papeles sa isang videoke bar sa Kidapawan City.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento