(Arakan, North Cotabato/March 14, 2012) ---Halos tatlong buwan na ang nakalilipas bago naglabas ng pahayag ang Tribal Council of Elders sa North Cotabato na nagsasabi’ng ang pagpasok umano ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation o NBI sa isang barangay sa Arakan, North Cotabato ay paglabag pala sa Indigenous Peoples’ Rights Act o IPRA, ang batas na nagpoprotetka sa sektor ng mga katutubo sa bansa.
Sa isang resolusyon, sinabi ng mga tribal elders na isang paglapastangan sa tradisyon ng mga lumad ang ‘di paghingi ng permiso ng mga NBI operative na pasukin noong Disyembre ang Barangay Kulaman Valley at arestuhin ang isa sa kanilang ka-tribo sa paniwalang sangkot ito sa isang krimen.
Ayon sa konseho, ang Barangay Kulaman Valley ay isang deklaradong ancestral land at nakasaad sa IPRA na bawal ang pumasok sa kanilang barangay nang ‘di nagpapaalam sa mga tribal datu o kaya ay sa barangay council.
Kaugnay nito, isasailalim sa pagdinig o ‘sala’ ng tribo ang mga operatiba ng NBI na sangkot sa pag-aresto kay Ato.
Ibabatay ang ‘sala’ sa ‘customary law’ ng mga tribo ng Matigsalug Manuvu at Teduray.
Ang Resolution Number 01, series of 2012, ay pirmado ng 13 tribal datu; tatlong bae; at dalawang timuay, pawang mga kasapi ng tribal council.
Noong Dec 29, inaresto ng NBI ang Teduray na si Jimmy Ato matapos ituro ng ilang mga testigo na umano siya’ng bumaril at pumatay sa Italyano’ng pari na si Fausto Tentorio noong Oct 2011.
Noon lang February 14 sinampahan ng NBI at ng Special Investigation Task Group Fausto ng kasong murder si Jimmy Ato at ang kapatid nito’ng si Roberto Ato.
Ang magkapatid na Ato ay dalawa lang sa apat na iba pa na isinasangkot rin sa Tentorio killing.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento