Written by: Roderick Bautista
(Midsayap, North Cotabato/March 12, 2012) ---Iprenisenta ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process o OPAPP sa pamamagitan ni OPAPP Mindanao Affairs Office Director Susana Marcaida ang mga prosesong dapat isakatuparan sa ilalim ng PAyapa at MAsaganang PamayaNAn o PAMANA particular sa Midsayap.
Ginawa ni Director Marcaida ang pahayag sa consultative meeting sa CJNS Kapayapaan Hall sa Midsayap, Cotabato, kamakalawa.
Tinukoy ng OPAPP official na kinakailangang magkaroon muna ng barangay assembly sa mga project areas. Layunin nitong alamin ang nais na proyekto at programa na ipapatupad sa lugar base sa barangay development plan.
Pagkakalooban ang bawat barangay ng anim na milyong piso upang gamitin sa iba’t- ibang proyektong pang-ekonomiya. Una nang iminungkahi ng mga barangay beneficiaries na ang mga proyekto tulad ng solar drier, warehouse at corn mill ang nais nilang paglaanan ng pondo.
Ngunit nilinaw ni Marcaida na idadaan muna ito sa kaukulang proseso at konsultasyon bago tuluyang aprubahan at ipatupad.
Sa North Cotabato, ang bayan ng Midsayap ang may pinakamaraming benepisyaryo na umabot sa labing apat na barangay sa ilalim ng PAMANA in MNLF Communities. Pinaalalahanan naman ni North Cotabato First District Representative Jesus Susing Sacdalan ang mga opisyal ng barangay na kinakailangang maayos ang koordinasyon upang hindi magkaroon ng duplication of projects sa mga barangay.
Ayon naman sa OPAPP, inerekomenda na nito ang tatlo pang barangay sa Midsayap na mapabilang sa PAMANA in MNLF Communities. Kabilang dito ang Macasendeg, Tugal at Rangaban.
Ngunit ‘wag na daw munang asahan na maisasali ngayong 2012 sa implementasyon.
Ang ginawang konsultasyon na ito ay pinangunahan ni Cong. Sacdalan kasama ang LGU Midsayap, Magungaya Foundation, at Federation of United Mindanawan Bangsamoro Women. Ito na ang ikalawang konsultasyon na ginawa kaugnay sa pagpapatupad ng PAMANA sa kanyang distrito.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento