Written
by: Jimmy Sta. Cruz
(Amas, Kidapawan City/ July 10, 2014) ---Ikinatuwa
ni World Food Program (WFP) Country Director for Asia Kenro Ashidara ang
mahusay na implementasyon ng isang fish pen project sa Barangay Katilacan,
Pikit, Cotabato na kanyang binisita noong huling linggo ng Hunyo, 2014.
Ayon kay WFP Protracted Relief and Recovery
Operations – Project Management Office (PRRO-PMO) Focal Person Allan Matullano,
ang naturang proyekto ay itinayo sa Barangay Katilacan noong unang bahagi ng
2013, ito ayon sa report ni PGO Media Center Head Jimmy Santa Cruz.
Mga isdang tilapia ang inaalagaan rito at
nagsisilbing hanap-buhay ng maraming mga residente doon na una ng nakaranas ng
kaguluhan dulot ng mga engkuwentro sa pagitan ng mga armadong grupo at
military.
Sinabi ni Matullano na masaya si Ashidara
dahil nakita nito ang mabuting epekto ng proyekto sa mga mamamayan ng Katilacan
kung saan pinakikinabangan ito ng husto.
Layon ng WFP na makabangon ang Barangay
Katilacan mula sa kahirapan dulot ng mga karahasan o kaguluhan sa pamamagitan
ng pagbibigay ng proyekto at hanap buhay para sa mga residente.
Maliban sa fish pen, may iba pang
developmental at humanitarian projects ang WFP sa Katilacan at ilan rito ay
backyard gardening at food feeding.
Sa pamamagitan nito ayon pa kay Matullano ay
unti-unting makakabangon ang barangay at kung pagbubutihin pa ang proyekto ay
tiyak na aangat ang kanilang buhay.
Nakipagpulong naman si Ashidara sa mga
barangay officials ng Katilacan at mga mangingisda sa lugar at personal na inalam
ang kanilang kalagayan kasabay ang pangako na di bibitaw ang WFP sa tungkulin
nitong tulungan ang mga barangay na tulad ng Katilacan.
Maliban sa Katilacan, dalawa pang
kalapit-barangay ang nabiyayaan din ng katulad na proyekto at ito ay ang
Damalasak at Silik na nakaranas din kaguluhan.
Pinasalamatan naman ng mga taga Barangay
Katilacan si Ashidara sa pagbisita nito sa kanila at sa mga tulong na
ipinagkakaloob ng WFP sa kanila. (JIMMY STA. CRUZ/PGO Media Center, DXVL News)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento