(Makilala, North Cotabato/January 23, 2012) ---Timbog ang isang pump attendant at security guard matapos tangkain ng mga itong magnakaw ng gasolina sa “Northlane Phoenix Gasoline Station” na matatagpuan sa Barangay Saguing, Makilala, Cotabato kamakalawa ng madaling araw.
Ayon kay P02 Calexto C. Cabalinan ng Makilala PNP kasama ang Barangay Peace Keeping Team o (BPAT) sa naturang lugar, hinuli ng mga ito ang mga suspek na sina Jury Carlos Y Martinez labing walong taong, gulang, isang pump attendant at residente ng Barangay New Culasi, Tulunan, Cotabato at Zelzon Guartizo, security guard, may asawa at residente ng Barangay New Rizal, Mlang Cotabato.
Ayon pa sa testigong si Hanbert Galvo, nakita nito ang dalawa nang tangkain ng mga itong sirain at buksan ang tatlong bolts ng gasolinahan. Dagdag pa niya, nakita din nila sa mismong lugar ang isang tricycle na may plakang 2401 MV na may markang “KATE”.
Sakay umano ng naturang tricycle ang walong malalaking containers na siyang gagamitin sana ng mga suspek na paglagyan ng gasolina.
Samantala, nakatakas naman ang dryaber ng tricycle na hanggang ngayon ay hindi pa nakikilala.
Sa ngayon, inihahanda na ng Makilala PNP ang kasong isasampa laban sa mga ito.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento