by: JIMMY STA. CRUZ
AMAS,
Kidapawan City (Sep
10) – Sampung mga Agricultural Extension Workers o AEW’s mula sa
lalawigan ng Cotabato ang bibigyang parangal sa National Quality Corn Achievers
Awards ng Dept. of Agriculture o DA-NQCAA sa Limketkai Hotel, Cagayan de Oro
City sa Oct. 22, 2014.
Ayon kay DA 12 Regional Executive Director
Amalia J. Datukan, ang sampung mga AEW’s ay kabilang sa iba pang mga nagwagi sa
patimpalak ng DA na naglalayong bigyan ng recognition ang mahusay na pagtatanim
at produksiyon ng mga magsasaka sa bansa.
Sa kanyang liham kay Cot. Governor Emmylou
“Lala” J. Taliño-Mendoza, kinilala ni Datukan ang mga napiling AEW’s na sina
Danilo A. Puno, Ellafe U. Lopez, Jocelyn Z. Ragunton, Liliy Flor M. Balos,
Maria Eden B. Barredo, Rolando A. Erese, Shiela Marie M. Asinas, Henie D. Pusta
na pawang mga taga Alamada; Elizabeth V. Salao ng Carmen at Delina F.
Abellanida ng Midsayap, Cotabato.
Lahat sila ay tatanggap ng tig-P20,000 at
certifications mula sa DA sa gaganaping awarding ceremony.
Ayon pa kay Datukan, nakitaan ng katangi-tangi
at mahusay na produksiyon ng mais ang naturang mga AEW’s mula sa Cotabato
Province kaya’t napili sila ng National Steering Committee ng naturang search
na nilikha ayon sa Special Order No. 770, series of 2014.
Nito lamang Mayo at Hunyo, 2014, nagwagi rin
ang Cotabato Province sa Regional at National Level ng Gawad Saka Awards ng DA
dahil na rin sa mahusay na performance ng mga rice farmers mula sa lalawigan.
Sinabi ng gobernadora na sa pamamagitan ng
mahusay na partnership ng DA at Office of the Provincial Agriculturist o OPAG
ay maraming mga magsasaka sa Cotabato ang uunlad pang lalo ang kabuhayan at
bubuti ang kalagayan. (JIMMY STA.
CRUZ/PGO Media Center)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento