Written by: Danilo Daguiles
KORONADAL CITY, January 4, 2011 (PIA) ---- Sa takot na mangyari sa South Cotabato ang kaparehong trahedya na nangyari kamakailan sa Cagayan de Oro at Iligan City, nakaalerto ngayon ang pamahalaang panlalawigan sa posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa o landslide na maaring idulot ng low pressure area sa silangan ng General Santos City.
Ayon kay Isidro Janita, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), minamanmanan ngayon ang sitwasyon ng mga ilog sa upland area na maaring magdulot ng pinsala sakaling magtutuloy-tuloy ang buhos ng ulan.
Ipinag-utos na rin ni Gov. Arthur Y. Pingoy Jr. ang round-the-clock monitoring sa mga ilog at tributaries ng mga malalaking ilog sa lalawigan, kabilang ang Allah River at Banga River na madaling bumabaha.
Kabilang din sa mahigpit na minamanmanan ngayon ang Luhan River malapit sa Lake Maughan sa T’boli kung saan may nagyaring pagbabara ng daloy ng tubig dulot ng landslide noong Disyembre 26.
May apat na katao na ring nagmamanman sa lebel ng tubig ng Lake Maughan upang masigurong mabibigyan ng babala ang mga residente malapit sa Allah River sakaling magkakaroon ng delikadong sitwasyon sa lawa.
Ani Janita, naipalaam na nila sa lahat ng mga barangay sa lalawigan ang kautusan na maging alerto sa lahat ng panahon lalung lalo na kung may malakas na pagbuhos ng ulan.
Batay sa ulat ng Pagasa kaninang alas 8 ng umaga, namataan ang low pressure area 240 na kilometro Silangan Timog Silangan ng General Santos City. Maari umanong magkaroon ng malawakang pag-uulan sa Southern Mindanao, kabilang ang Sarangani, General Santos at South Cotabato na maaring magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Ayon kay Janita, mas mainam na na maging handa dahil hindi na tiyak ang resulta ang pabagu-bagong panahon.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento