(KIDAPAWAN CITY/ January 6, 2012)— Mismong si Congresswoman Nancy Catamco ng ikalawang distrito ng North Cotabato ang tutungosa lugar kung saan itinatago si Jimmy Ato, ang itinuturo’ng primary suspect sa pagpatay sa pari’ng Italyano na si Fausto Tentorio.
Sinabi ng opisyal na personal niya’ng aalamin mula kay Ato kung ano ang alam nito sa krimen ng pagpatay sa pari.
Hanggang ngayon kasi ay may pagdududa si Catamco sa mga inilalabas na impormasyon ng National Bureau of Investigation o NBI patungkol sa kaso.
Kung ang NBI ang tatanungin, sinabi nito na ikinanta na ni Ato ang mga taong nasa likod ng pagpatay, kabilang na rito ang isang malaking pulitiko at opisyal ng PNP sa North Cotabato.
Gayunman, ang pagkakilanlan ng mga taong ito ay patuloy na itinatago sa publiko ng NBI hangga’t ‘di pa kumpleto ang kanilang imbestigasyon.
Ang problema ni Catamco ngayon ay kung saan niya pupuntahan si Ato.
Sinasabi ni Atty. Virgil Mendez ng NBI na si Ato at ang kanyang pamilya ay itinatago nila sa isang safe house sa Cagayan de Oro.
Pero sinasabi naman ng ilang opisyal ng Malakanyang na malapit sa kongresista na si Ato ay nasa NBI central office sa kalakhang Maynila.
Sa kabila nito, pursigido ang kongresista na makita at makausap si Ato na isa sa kanyang mga lider noong nakaraang eleksyon.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento