TACURONG CITY, Sultan Kudarat (January 4, 2012) -- DALAWANG guwardiya ang patay, habang dalawang iba pa sugatan nang magkabakbakan ang kani-kanilang grupo sa loob mismo ng pinag-aagawang plantasyon ng oil palm sa Tacurong City, Sultan Kudarat, alas-830 ng umaga, kahapon.
Kinilala ng Tacurong City PNP ang mga nasawi na sina Eugenio Jacolina, 60, gwardiya ng Crown Security Agency at kabilang sa mga benepisyaryo ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP sa plantasyon ng oil palm sa Barangay EJC Montila sa Tacurong City; at si Jerry Tangas, gwardiya ng Queen Bee Security Agency at tubong Barangay Tuael, President Roxas, North Cotabato.
Sugatan naman ang mga gwardiya’ng sina Aldrin Jacolina, 23, anak ng napatay na si Mang Eugenio; at si Salvador Flores, 36, ng Queen Bee Security Agency.
Ang mga gwardiya ng Crown Security Agency ay siya’ng pumuprotekta sa may 900 ektarya ng malawak na plantasyon ng palm oil na ipinamahagi na sa mahigit 300 indidibwal sa ilalim ng CARP.
Ang mga gwardiya naman ng Queen Bee Security Agency ay pumuprotekta sa bahagi ng plantasyon na inaangkin ni Enriquito Montilla na pinsan ni Tacurong City Mayor Lina Montilla.
Kung paano nagsimula ang armadong labanan sa magkabilang grupo, may kanya-kanyang bersyon ang bawat panig.
Ayon kay Analiza Capinpin, ang tumatayong spokesperson ng Mindanao Pioneer Palm Oil Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative o MINPARBENCO, una’ng lumusob sa kanilang plantasyon ang mga gwardiya ng Queen Bee Security Agency na agad nagresulta sa pagkamatay ni Mang Eugenio at pagkakasugat ng anak niya’ng si Aldrin na kapwa miyembro rin ng kooperatiba.
SA PANIG NAMAN NG PAMILYA MONTILLA, sinabi nila na una’ng lumusob sa plantasyon ang isang Eleazar Gallardo, dating chairman ng kooperatiba, kasama ang mga gwardiya ng Crown Security Agency.
Kasama umano ni Gallardo ang mag-amang Jacolina at iba pang gwardiya.
Isa sa mga gwardiya ng mga Montilla napatay, isa sugatan.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng armadong bakbakan sa plantasyon.
Ayon kay Aaron Arumpac, ang provincial agrarian reform officer ng Sultan Kudarat, noong Hunyo ng nakaraang taon ay nilusob ng mga ‘di kilalang armadong lalaki ang plantasyon na nagresulta ng paglikas ng ilang mga CARP beneficiary sa lugar.
KUNG SI ARUMPAC ang tatanungin, resolbado na ang gusot sa lupa sa erya.
Noon pa raw ay nakapag-isyu na sila ng titulo ng lupa sa mahigit 300 indibidwal na benepisyaryo ng CARP.
Ang problema, may ilang may-ari ng plantasyon ang sa ngayon ay ‘di pa tanggap ang desisyon ng DAR Adjudication Board o DARAB.
SA NGAYON, naka-deploy na sa erya ang mga pulis ng Tacurong City PNP, SK Provincial Police Office, at mula sa Region 12, para magsilbing security force at nang ‘di na maulit ang naganap, kahapon.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento