(Kidapawan city/ March 28, 2015) ---Ekta-ektaryang
tanim na palay, mais, saging at kape ang napinsala dahil sa nararanasang
matinding init dala ng El Niño phenomenon sa Kidapawan City, North Cotabato.
Sa ulat ni Senior Agriculturist
Nesmari Espejo ng Kidapawan City Agriculture Office, aabot na sa P7 milyong
halaga ng pananim mula sa 18-barangay sa nabanggit na lungsod ang apektado.
Kabilang sa mga barangay na apektado
ng tagtuyot ay ang mga Barangay Onica, Katipunan, Nuangan, Macebolig,
Amazion, Mateo,Sibawan, Linangkob, Kalasuyan, Magsaysay, Sumbac, Malinan, Paco,
Singao, Indangan, Gayola, Kalisan at ang Barangay San Isidro.
Umaabot na sa 27.12 ektaryang taniman
ng palay ay hindi na mapakikinabangan habang
12.30 ektaryang maisan, 17.30 ektaryang sagingan at 2.25 ektaryang na
taniman ng kape ang apektado.
Dahil dito, matinding paghihirap na
rin ang nararanasan ng mga magsasaka kaya nanawagan na ito ng tulong ng
Department of Agriculture at sa iba pang ahensya ng pamahalaan.
Unti-unti na ring bumababa ang water
level ng mga water basins na pinangangambahang makakaapekto sa pagsusuplay ng
tubig ng Metro Kidapawan Water District sa mga kabahayan.
Pinaniniwalaan na tataas pa ang
bilang ng apektadong ektaryang taniman kung magpapatuloy at titindi pa ang El
Niño phenomenon. Rhoderick Beñez
0 comments:
Mag-post ng isang Komento