(Pikit, Cotabato/ February 23, 2015) ---Pinayuhan
ngayon ng mga militar ang libu-libung mga residente na nagsilikas na maari ng
makabalik sa kanilang lugar ang mga ito anumang oras ngayong araw.
Ito ang pagtitiyak ng mga otoridad sa
impormasyong ipinarating sa DXVL News ni Col. Orlando Edralin, ang Commanding Officer
ng 7th IB.
Aniya ang isinagawa nilang military
operation sa Brgy. Kabasalan sa bayan ng Pikit ay nagresulta sa pagkakataboy ng
pangkat ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF sa lugar.
Napag-alaman na nagsimula ang opensiba ng militar
laban sa BIFF nitong Biyernes hanggang nitong Sabado upang maibalik sa normal
na sitwasyon ang nasbaing mga lugar at hindi nila hahayaan na magpatuloy ang
panggugulo ng BIFF sa mga nasabing lugar at iiwasan na umabot pa sa mga kalapit
na barangay ang tensyon.
Wala namang may naiulat na nasugatan o
namatay sa tropa ng pamahalaan habang pinaniniwalaan na marami ang nalagas sa
puwersa ng BIFF bagaman hindi pa masabi ang eksaktong bilang nito, ayon pa kay
Edralin.
Sinasabing ang Kagi Karialan group ng BIFF
na siya ring nakasagupa ng napatay na 44 commandos ng Special Action Force
(SAF) ay nagtago sa pitong barangay sa bayan ng Pikit at kalapit pang barangay
pagkatapos ng madugong labanan.
Ang law enforcement operations ay upang
masupil ang BIFF na sinasabing may hawak na sampung baril ng SAF commandos na
napaslang sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25. Rhoderick Beñez
0 comments:
Mag-post ng isang Komento