(Carmen, North Cotabato/ July 15, 2013) ---Muli
na namang ginulantang ng malakas na pagyanig ng lindol ang mga barangay sa
bayan ng Carmen, North Cotabato, partikular na ang brgy. Kimadzil at
Kibudtungan matapos na tumama ang 5.2 magnitude na lindol alas 9:28 kaninang
umaga.
Sa report ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs)
tumama ang sentro ng lindol 14 na kilometro hilaga ng Carmen na may lalim na 2
kilometro at tectonic ang pinagmulan o ang paggalaw ng faultline.
Naramdaman naman ang pagyanig sa bayan Kabacan, Banisilan at Matalam
na may intensity 4; habang intensity 3 naman ang naramdaman sa Tagum City,
Davao del Norte; Arakan, North Cotabato; Davao City at Cagayan de oro city;
intensity 2 naman ang naramdaman sa Kidapawan City, Makilala, M’lang, Midsayap,
Libungan at Pres. Roxas, North Cotabato; Koronadal City, Bukidnon, Sultan
Kudarat at Maguindanao.
Bago ang nasabing paglindol, una na ring inuga ang nasabing lugar
ng 3.9 na magnitude na lindol pasado alas 7:00 kaninang umaga.
Wala namang may naiulat na nasugatan o napinsala sa nasbing
paglindol.
Sinabi naman ni Engr. Hermie Daquipa ng Phivolcs Kidapawan na ang
paglindol kaninang umaga ay maituturing pa umanong aftershocks ng June 1 na
pagyanig at aasahan pa umano ang ilan pang pag-uga ng lupa.
Kaugnay nito, nagpaalala naman ang Provincial Disaster Risk
Reduction Management Council na sa panahon ng lindol na manatili sa loob ng
bahay at gamiting pangubli ang mtibay na upuan o mesa o manatili sa isang sulok
na may matibay na dingding.
Siguraduhing lumayo sa mga bintana at mga aparador.
Kung nasa labas, lumayo sa mga poste ng kuryente, gusali o anumang
bagay na mabuwal.
Kung nasa sasakyan, ihinto ang sasakyan sa isang ligtas na lugar,
huwag huminto malapit sa poste ng kuryente, gusali, mga puno at sa ilalim ng
overpass. (Rhoderick Beñez)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento