AMAS,
Kidapawan City (Jan.
30)- Kung si Cotabato Provincial Election Registrar Atty. Dokie Kadatuan ang
tatanungin, umaasa siyang matutuloy ang halalan ng Sangguniang Kabataan o SK sa
darating na Pebrero 21, 2015.
Ito ay dahil sa handa na ang Comelec
Cotabato Provincial Office sa pagsagawa ng naturang halalan at halos plantsado
na ang lahat para sa aktibidad.
Ngunit nilinaw ni Atty. Kadatuan na nakadepende
sa COMELEC Head Office kung matutuloy o hindi ang SK elections.
Nag-aantay raw siya ng panibagong resolution
o guidelines para sa pagpapaliban ng halalan matapos na maiulat na gagawin ito
sa Oktubre 2015.
Sinabi ni Kadatuan na ang pinakahuling update
na kanilang natanggap ay ang Resolution 9928 kung saan nakasaad na ang election
period ay magsisimula sa Feb 6 hanggang Mar 2, 2015.
Kaugnay nito, nanawagan si Atty. Kadatuan sa
mga SK candidates na sundin ang mga itinakda ng COMELEC sa panahon ng halalan
tulad ng gun ban, pagtatalaga ng mga check points, paglilipat ng polling
precincts, pagtigil ng continuing registration at marami pang iba.
Sa kasalukuyan, nag-aantay na lamang sila ng
bagong kautusan mula sa COMELEC Head Office upang kumilos para sa nakatakdang
halalan, dagdag pa ng opisyal.
Sinabi rin ni Atty. Kadatuan na kung di
mapapaliban ang SK elections ay isasagawa na ang filing of Certificate of
Candidacy ng mga tatakbo sa naturang halalan sa Feb.7-10, 2015.
Nang tanungin kung ano ang nakikita niyang
dahilan kung bakit posibleng maipag-paliban na naman ang SK elections, sinabi
ni Atty. Kadatuan na may mga dahilan ang COMELEC Head office tulad ng posibleng
pagsasabay ng SK elections sa Barangay elections sa 2016 at posible rin daw na
nais ng COMELEC na pag-isahin upang makatipid.
Sa kabila nito, tiniyak ni Atty. Kadatuan na
handang-handa na ang Comelec Cotabato Provincial Office sa pagsasagawa ng SK
elections.
Mano-mano o manual elections naman ang
sistema ng SK elections at di ito gagamit ng Precinct Count Optical Scan o PCOS
machines. (JIMMY STA. CRUZ-PGO Media
Center)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento