Mga
kababayan, Magandang gabi po sa inyong lahat.
Humaharap po
ako sa inyo ngayon upang iulat ang ating nalalaman ukol sa nangyari sa
Mamasapano, Maguindanao, nitong nakaraang Sabado at Linggo. Ginagawa po natin
ito hindi upang pangunahan ang board of inquiry na itinalaga upang tuklasin ang
buong katotohanan, kundi dahil karapatan ninyong malaman ang alam natin sa
puntong ito.
Noong Sabado
ng gabi, ika-24 ng Enero, isang grupo ng mga kasapi ng Special Action Force ng
ating Philippine National Police ay tumungo sa Barangay Tukanalipao,
Mamasapano, Maguindanao. Ang kanilang misyon, ipatupad ang mga outstanding
warrants of arrest sa dalawang notorious na teroristang matagal nang
pinaghahanap ng mga awtoridad: Sina Abdulbasit Usman at Zulkipli Bin Hir, alias
Abu Marwan. Sa pagtupad ng kanilang tungkulin, 44 sa ating mga pulis ang
napatay, habang 16 naman ang sugatan, kabilang na ang 3 sibilyan, ayon sa
huling tala ng ating NDRRMC.
Bilang
Pangulo, bilang Ama ng Bayan, napakalungkot pong isipin na kinailangang
magbuwis ng buhay ng ating kapulisan sa misyong ito. At kung mayroon nga pong
depinisyon ang bayani, sila na iyon: Silang mga humarap sa panganib upang
pigilan ang banta sa ating kaligtasan; silang mga nasugatan; silang naghandog
ng buhay sa ngalan ng kapayapaan. Bilang paggalang sa mga ng mga nasawi, magdedeklara
tayo ng isang National Day of Mourning bilang sagisag ng pagdadalamhati at
pakikiramay ng ating buong bansa.
Hindi po
pangkaraniwang kriminal sina Marwan at Usman. Mayroong mahabang listahan ng mga
warrant laban sa kanila; kay Usman pa lang po, mayroon nang di-bababa sa walong
outstanding warrant, habang may di naman bababa sa dalawa kay Marwan. 2002 po
ang isa sa mga pinakamaaga rito, kaya't ang ibig sabihin, Congressman pa lang
ako ay pinaghahanap na sila. Lilinawin ko lang po: Kapag may warrant laban sa
isang tao, bawat alagad ng batas ay tungkuling ipatupad ito. Kaya nga po, dati
pa, marami nang mga operasyon para madakip o subukang madakip sina Marwan at
Usman, pati na ang iba pang terorista, ang isinigawa ng iba't ibang sangay ng
security sector, kabilang na ang AFP, PNP, at NBI.
Hindi sa
bawat pagkakataon ay hinihiling nila ang pahintulot ko, dahil impraktikal naman
kung hintayin pa nila ang clearance mula sa akin. Ang tungkulin ko: siguruhing
ginagampanan nila ang kanilang responsibilidad. May pagkakataon naman pong
inaakyat nila sa atin ang sitwasyon para makapagbigay tayo ng payo, tingnan sa
malawak na pananaw ang sitwasyon, o ipaliwanag ang maaaring maging implikasyon
nito.
Halimbawa po
nito ang pagtugon sa rogue MNLF elements sa Zamboanga, ang paghuli sa
pinakamatataas sa ating listahan ng Most Wanted Persons, o ang paglusob sa
ating mga peacekeeper sa Golan Heights. Sa kaso po ng Golan Heights, hindi
naman puwedeng ang battalion commander lamang doon ang magdedesisyon sa
kanilang pag-alis. Bilang may pangunahing responsibilidad sa ating ugnayang
panlabas, kinailangan tayong abisuhan upang masigurong natututukan pati ang
ating mga obligasyon sa United Nations.
Bahagi po si
Marwan ng Central Committee ng Jemaah Islamiya, na nagsagawa ng Bali bombing sa
Indonesia. Dito, dalawang magkasunod na pagsabog ang nangyari, kaya't tinamaan
pati ang first responders at iba pang hindi umalis. 202 katao ang nasawi dito,
at suspek po si Marwan dito. Sa Cagayan de Oro noong 2012, tinangka ni Marwan na
gayahin ang modus na ito; nadiskubre ang pangalawang bomba kaya't hindi ito
sumabog, ngunit dalawang katao pa rin po ang nasawi sa pangyayaring ito. May
alegasyon na noong 2006, kasama ni Umbra Kato, pinamunuan ni Marwan ang
pagtatanim ng bomba upang pagtangkaan ang buhay ng gobernador ng Maguindanao
noong panahon na iyon na si Andal Ampatuan.
Dahil
miyembro si Marwan ng international terrorist networks, na may koneksiyon sa
iba pang mga grupong terorista, siya ay may kakayahang kumuha ng kaalaman, kagamitan,
salapi, dagdag pa sa paglikha ng safe havens para sa mga kapwa niya terorista.
Ito ang dahilan kung kaya't itinuring siyang pangunahing target ng operasyon.
Iniuugnay naman si Usman sa siyam na insidente ng pambobomba sa Mindanao. Siya
ang pangunahing akusado sa pambobomba sa General Santos City noong 2002, kung
saan 15 ang namatay at 60 ang nasugatan.
Kasama ang
isa pang terorista na ang ngalan ay Mawiyah, sina Marwan at Usman ang nagsagawa
ng terorismo sa iba't ibang bahagi ng Mindanao. Kilala ring trainer ng paggawa
ng bomba ang dalawang ito. May mga ulat pong mayroon silang pagawaan ng mga
improvised explosive device, na siya nilang ibinebenta sa mga kapwa nila
terorista. Marami na silang nasaktan at napatay, at habang malaya sila, patuloy
ang banta laban sa kaligtasan ng ating mamamayan.
Ididiin ko
lang po: Sa Article II, Section 4 ng Saligang Batas, nakasaad na "The
primary duty of government is to serve and protect the people." Kaya nga
po, nang nalaman ng ating kapulisan ang tutok na lokasyon nina Marwan at Usman,
nagdesisyon silang kumilos upang ipatupad ang mga warrant sa mga ito.
Actionable
intelligence po ang nakalap ng ating mga awtoridad: Hindi lamang rehiyon, o
probinsiya, o munisipyo ang natukoy nila, kundi ang mismong mga bahay na pinagtataguan
ng dalawa.
Kung hindi
aaksiyunan ang kaalamang ito, maaaring makatakas sina Marwan at Usman, at
kakailanganin na namang simulan ang mahabang proseso ng paghahanap sa kanila.
Pasado
alas-4 ng umaga ng Linggo nang umabot ang Special Action Force sa kutang
pinagtataguan nina Marwan at Usman. Sa nangyaring engkuwentro, diumano'y
napatay ang pangunahing target na si Marwan. Nang marinig ang putukan, nanlaban
naman si Usman at ang kanyang mga kasamahan.
May mga
non-combatants na nakita sa mga tirahan nina Marwan at Usman; kinailangan
talagang dikitan sila ng ating mga puwersa para maiwasang madamay ang inosente.
Unang
inatake ang bahay ni Marwan; rumesponde naman sina Usman at nawala ang element
of surprise na siyang magpapahirap na matupad ang kanilang misyon. Kaya naman,
minabuti ng SAF na umatras at makipag-rendezvous sa mga kasamahan nilang
nagbabantay ng kanilang daraanan papalabas sa lugar ng engkuwentro.
Lumalabas
pong sa withdrawal na ito nangyari ang pinakamadugong bahagi ng sagupaan.
Gaya po ng
marami, may mga katanungan din ako ukol sa insidente, kaya inaasahan natin na
mahahanap ng binuong board of inquiry ang katotohanan ukol sa insidenteng ito.
Sa mga
briefing na ibinigay sa akin ng PNP ukol sa continuing operation laban kina
Marwan at Usman, makailang ulit kong idiniin ang pangangailangan ng tama,
sapat, at napapanahong koordinasyon.
Kumplikado
ang sinasabi ngang terrain sa operasyong ito: 'Yung mismong lupa maputik, may
mga swampland, marshes, at kailangang tumawid ng ilog upang marating ang
destinasyon ng ating SAF. Maraming mga puwersang nagkalat sa lugar na ito:
Nariyan ang BIFF, MILF, at mayroon pang Private Armed Group.
Kahit pa ba
magkahiwalay na ang MILF at BIFF, marami sa kanila ang magkakamag-anak sa dugo
o sa pag-aasawa. Hindi basta-basta maaaring pumasok ang mga estranghero.
Kailangang tahimik at dahan-dahan ang pagpasok ng ating mga tropa; kung hindi,
maaaring maalerto ang kanilang mga target.
Lalo pa't
dahil hindi kalakihan ang puwersa ng SAF kumpara sa mga nakapaligid na maaaring
makialam, mahalagang nakaantabay ang Sandatahang Lakas upang maiposisyon nito
ang mga tropa, kasangkapan, at kagamitan tulad ng mga kanyon kung sakaling
kailanganin ng suporta ng ating kapulisan.
Kailangan po
nila ng sapat na panahon upang mailagay ang kanilang puwersa sa kung saan ito
pinakamakakatulong. At sa ganitong klaseng bakbakan, kung kakailanganin ng
ayuda mula sa Sandatahang Lakas, hindi ora mismo ay makakarating ito, lalo pa't
may iba't ibang mga tungkulin ang mga kasapi ng 6th Infantry Division na siyang
pinakamalapit sa aksiyon.
Sa
paulit-ulit kong pagpapaalala sa pangangailangan ng koordinasyon, ang isinagot
po sa akin ng direktor ng SAF, "Yes Sir." Ang sabi lang niya, kailangan
din ng operational security, o ang pagsigurong ang dapat lang makaalam ang
masasabihan ukol sa operasyon.
Gayumpaman,
idiniin kong kailangan pa ring ialerto ang ibang mga sangay o ang kanilang mga
hepe; kailangan nasa tamang oras ang abiso, at kumpleto ang impormasyon, para
makapaghanda nang maayos.
Tanong ko:
Bakit at paano nga po kaya nangyari na malapit na sa jump-off o naka-jump-off
na, nang sinabihan ang batalyon ng AFP na malapit sa operasyon? Ang problema po
dito, nagkalat sa iba't ibang lugar ang mga sundalong kasapi ng batalyong ito
na nagbabantay sa main supply route sa lugar na ito.
Sa madaling
salita, dikit na sa oras ng engkuwentro ang abiso, at mahirap masabi kung
nagkaroon ng sapat na panahon upang ihanda ang ayuda kung kakailanganin.
Kung may
compliance pong nangyari sa atas kong siguruhing may sapat na koordinasyon,
parang sinagad po itong very minimum compliance.
Nagulat nga
po akong malaman na ang pinuno ng Western Mindanao Command, o maski ng 6th
Infantry Division, ay tila naabisuhan lamang matapos ang unang engkuwentro
laban kina Marwan at Usman; palabas na ang puwersa ng SAF, at nagkakaroon na ng
problema sa puntong ito.
Sa panig
naman po ng MILF: Napakalaki na ang mga hakbang na nagawa natin dahil nagtiwala
tayo sa isa't isa. Napatunayan natin na kaya nating magtulungan: Noong 2014,
isang Japanese national ang nailigtas sa Maguindanao; sa taon ding iyon,
napigilan ang pagpapasabog ng isang bomba sa Maguindanao din.
Nabasa ko
rin po ang pahayag ni Chairman Al Haj Murad ukol sa insidente sa Mamasapano;
magandang unang hakbang ang pagbubuo nila ng isang Special Investigative
Commission upang matukoy ang mga detalye at katotohanan ng pangyayari.
Inaasahan kong sa lalong madaling panahon, mas kongkretong patunay ng pakikiisa
sa paghahabol ng kapayapaan ang ipapakita ng MILF, tungo sa paghahabol ng
katotohanan, at sa pagpapanagot sa mga may kasalanan.
Iwasan na
rin po sana ng lahat ang pagkakalat ng haka-haka ukol sa mga pangyayari. Ang
sabi nga po sa bibliya: The truth shall set us free. Mayroon na pong board of
inquiry na itinalaga upang makalap ang buong katotohanan.
Abangan na
lamang po natin ang resulta nito.
Napakalayo
na po ng ating narating tungo sa kapayapaang matagal na nating minimithi para
sa Mindanao. Ibayong tiwala po ang ipinamalas ng lahat ng panig upang maabot
ang puntong ito.
Sa
nangyaring insidente sa Mamasapano, mayroon na pong mga nagsasamantala ng trahedya
para mabawasan ang tiwala; nais nilang mabigo ang proseso ng pangkapayapaan.
Mayroon na nga rin pong nagmumungkahing itigil ang pagsulong ng Bangsamoro
Basic Law sa Kamara at Senado.
Hindi po
dapat mangyari ito. Nakataya sa batas na ito ang buong peace process. Kung
mabibigo ang pagpasa ng batas sa lalong madaling panahon, mabibigo ang peace
process, mananatili ang status quo.
Kung ganoon,
ano pa ba ang aasahan natin kundi pareho ring resulta: Mga taumbayang nawawalan
ng pag-asa at namumundok; mga napagkaitan ng hustisya na pinipiling gumawa ng
karahasan sa kapwa. Para na po nating tinulungan sina Marwan at Usman na maabot
ang kanilang mga layunin.
Gusto po ba
nating bumalik sa punto kung kailan palaging nakahanda ang mga komunidad na
tumakbo sa mga evacuation center, dahil palaging may banta ng putukan? Kung
ganoon ang mangyayari, sino ang makikinabang? Kung mabibigo ang prosesong
pangkapayapaan, ilang libingan pa kaya ang kakailanganin nating hukayin? Ilang
bata pa kaya ang iidolohin ang mga tulad ni Marwan; ilan pa ang gugustuhing
maging Usman; ilang inhinyero pa ang pipiling gumawa ng bomba, kaysa magtayo ng
gusali?
Isipin din
po natin: Ang mga kasapi ng Special Action Force ay nasawi habang tinutupad ang
kanilang tungkuling panatilihin ang kaligtasan. Kung hindi magtatagumpay ang
prosesong pangkapayapaan; kung babalik tayo sa status quo, o kung lalala pa ang
karahasan, di ba't ito mismo ang kabaliktaran ng kanilang pinagbuwisan ng
buhay?
Di po ba: Sa
hinaharap nating hamon upang maisulong ang kapayapaan, lalo pa tayong dapat
magkapit-bisig, at lalo pa dapat nating ituloy ang mga susunod na hakbang tulad
ng pagpapasa ng Bangsamoro Basic Law; ang pagbubuo ng Bangsamoro Transition
Authority; pagpapalawak ng oportunidad sa lahat; at pagwawasto sa sistema ng
pulitika kung saan may iilang nakikinabang sa kapahamakan ng napakarami nating
kababayan.
Sa mga
pamilya naman po ng mga nasawing kasapi ng Special Action Force: Damang-dama ko
ang pinagdaraanan ninyong dalamhati. Alam ko ring maaaring may katuwang itong
agam-agam para sa inyong kinabukasan, lalo na kung tumatayo na breadwinner ang
kaanak ninyong nagsakripisyo para sa operasyong ito.
Sinisiguro
ko po sa inyo: Ibibigay ng estado ang sagad na maaari nitong ibigay ayon sa mga
batas at patakaran.
Sa
pagkakataon pong ito, diretso kong pinapakiusapan ang publiko na kung puwede po
ay magbigay din tayo ng ayuda, at isagad ang pagtulong sa mga pamilya ng
nasawi, bilang pagkilala sa kadakilaan ng mga bayaning nag-alay ng buhay tungo
sa minimithi nating kapayapaan.
Sa harap ng
ating pagluluksa, sa harap ng mga pagnanasa ng ilang bumawi at maghiganti, sa
harap ng bantang magiba ang tiwalang pinanday natin sa napakahabang panahon,
ngayon, sinusubok ang kakayahan nating magpamalas ng ibayong malasakit sa ating
kapwa.
Kaya nga po,
sa lahat ng kapwa kong nag-aasam ng kapayapaan, mula sa mga mambabatas, sa mga
kasapi ng unipormadong hanay, sa mga pinuno at kasapi ng MILF, sa mga kababayan
natin sa Bangsamoro, sa bawat disenteng Pilipino: Ipakita natin kung ano ang
kayang abutin ng isang bansang binubuklod ng nagkakaisang adhikain.
Siguruhin
nating hindi masasayang ang sakripisyo ng mga nasawing kasapi ng Special Action
Force. Mararating natin ang katarungan, harinawa, sa loob ng tamang proseso, at
nang hindi bumibitaw sa mga pangarap nating makamtan ang malawakan at
pangmatagalang kapayapaan.
Maraming
salamat po, at magandang gabi po sa inyong lahat.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento