Written by: Williamore Magbanua
(Mlang, North Cotabato/ June 18, 2014) ---Todo
paghahanda na ang mga low-lying barangay sa bayan ng Mlang ngayong pormal nang
nagsimula ang tag-ulan.
Sa datus ng Municipal Disaster Risk and
Reduction Management Council (MDRRMC) aabot sa 13 sa 37 mga barangay ng bayan
ang pinangangambahang bahain sakaling umapaw ang mga ilog na nakapalibot sa mga
ito.
Kaugnay nito, inatasan na ni Mayor Joselito
Pinol ang mga punong barangay nang nasabing mga lugar ang ibayong paghahanda
sakaling manalasa ang mga pagbaha sa kanilang mga nasasakupan.
Binuo narin ang Barangay Disaster Risk and
Reduction Management Council (BDRRMC) upang tiyakin na nakahanda ang kanilang
mga lugar sa anumang mga kalamidad na darating bunsod ng pabago-bagong lagay ng
panahon.
Namigay na rin ng two-way radios ang lokal
na pamahalaan ng Mlang sa lahat ng punong barangay na magsisilbing daan ng
komunikasyon kung may isasagawang agarang rescue operation.
Umapila din si Mayor Pinol sa mga residente
ng Mlang lalo na sa mga naninirahan malapit sa mga riverbanks na maging
mapagmatyag at agad na lisanin ang kanilang mga tirahan sakaling makaramdam
nang panganib.
Handa narin ang mga kakailanganing kagamitan
ng munisipyo kabilang ang motorboat kung magkakaroon ng pagtaas ng tubig saan
mang panig ng bayan. Williamore Magbanua
DXVL News
0 comments:
Mag-post ng isang Komento