AMAS,
Kidapawan City (Aug
21) – Abot sa 761 ang kabuuang bilang ng mga jobseekers o mga aplikante para sa
iba’t-ibang trabaho sa katatapos lamang na Job Fair 2015 na isinagawa ng
Provincial Human Resource and Management Office o PHRMO ng Provincial
Government of Cotabato mula Aug 19-20, 2015.
Ayon kay Aurora Garcia, PHRMO Head, unang
araw pa lamang ng job fair ay nakapagtala sila ng 564 applicants habang sa
ikalawang araw ay 197 applicants sa job fair na ginanap sa Provincial Capitol
Rooftop o kabuuang 761 jobseekers.
Layon ng Job Fair 2015 na tulungan ang mga
naghahanap ng trabaho, maging fresh graduates man o hindi na makapasok sa mga
kumpanya angkop sa kanilang kurso at batay na rin sa kanilang kakayahan, ayon
kay Garcia.
Partner ng Cot PHRMO ang Dept. of Labor sa
pagsasagawa ng aktibidad na nilahukan ng iba’t-ibang ahensiya at mga kumpanya
tulad ng Phil. Army, Toyota Davao, Gaisano, KCC Koronadal, Dok Alternatibo, Aboitiz
Power, Concentrix, Dfine Tech, Baguio-Benguet International Agency at iba pa.
Sinabi naman ni Cot Gov Lala Taliño-Mendoza
na kailangang tulungan ang mga jobseekers lalo na ang mga kabataan na makahanap
ng mapapasukan upang mapaangat ang antas ng kanilang pamumuhay at mapasigla
pang lalo ang ekonomiya ng lalawigan.
Bahagi ng pagdiriwang ng Kalivungan Festival
at ika-101 anibersaryo ng Lalawigan ng Cotabato sa Sep 1, 2015 ang Job Fair
2015.
Samantala, masayang ibinalita ng Cot PHRMO
na abot sa 45 applicants ang matagumpay na nakakuha ng trabaho o hired
on-the-spot ng iba’t-ibang kumpanya at inaasahang magsisimula na sa kanilang
mga gawain sa susunod na mga araw. (JIMMY STA. CRUZ-PGO Media Center)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento