(Kabacan, North Cotabato/ September 30, 2013)
---Negatibo sa lamang pampasabog ang iniwang bag na nagdulot ng bombscare sa
mga residente ng USM Avenue, Kabacan, Cotabato kahapon ng umaga.
Batay sa pagsisiyasat ng EOD team at ng
Kabacan PNP naglalaman lamang ng kulay pulang damit at ilang mga box ng
pasalubong at ilan pang gamit ang laman ng nasabing itim na bag.
Pero bago ito tuluyang nabuksan ng EOD team
sa tulong ng K9 Unit ay nag dulot ito ng takot at pangamba sa mga residente ng
USM Avenue.
Pansamantalang isinara ang Oneway na daanan
sa USM Avenue para tiyakin ang kaligtasan ng mga motoristang dumaraan at angmga
residente sa lugar.
Ang nasabing bag ay iniwan ng di pa
nakilalang tao sa harap ng isang establisiemento malapit sa Berean School sa
USM Avenue pasado alas 9:00 ng umaga kahapon.
Samantala, sinabi naman ni PCInsp. Jordine
Maribojo, hepe ng Kabacan PNP na hindi totoong may itinanim na pampasabog sa
round tire ng USM Avenue at National Highway nitong Sabado ng gabi.
Aniya, ginamitan ng EOD team ng water
disruptor ang kahina-hinalang bagahing nakita sa round tire kaya may narinig na
pagsabog.
Pero ng siyasatin ng mga otoridad negatibo
sa IED ang nasabing bagahe.
Kaugnay nito, todo alerto pa rin sa ngayon
ang Kabacan PNP.
Nagpaalala din ito sa publiko na maging
kalmado pero patuloy na maging bigilante sa paligid.
Sa kabila nito, nagpasalamat naman ang
kapulisan sa pagiging alerto at mapagmatyag ng publiko sa mga kanina-hinalang
bagay o tao sa paligid. Rhoderick Beñez/DXVL NEWS
0 comments:
Mag-post ng isang Komento