(Kidapawan City/May 6, 2012) ---Ayon
kay City Administrator Rodolfo Cabiles, Jr., lider ng grupong, NAPIKON SA
BROWNOUT o Nagkakaisang Pinoy Kontra sa Brownout, ‘EMOTIONAL BUT CORDIAL’, ganito niya inilarawan ang pulong noong
Huwebes sa mga opisyal ng Department of Energy at mga power firm executives
upang talakayin ang krisis sa kuryente na nararanasan sa North Cotabato.
Ang kahilingan ng grupo ipinarating nila kay
Energy Secretary Jose Almendras sa pamamagitan ng mga isinulat nila sa kanilang
suot na yellow shirt, noong araw ng pulong.
Ang kanilang sigaw, “Ibigay sa North
Cotabato ang 25 porsientong suplay ng kuryente mula sa geothermal power plant
sa Mount Apo.”
Sa pulong, ipinaliwanag ni Secretary
Almendras na matagal na’ng naibigay ng Napocor-PSALM ang 25 hanggang 26 na
megawatts na kuryente sa Cotelco.
Katunayan, sobra pa nga raw sa isinasaad ng
batas ang pumapasok na kuryente sa mga linya ng Cotelco.
Sadya nga lang kulang sa ngayon ang suplay
ng kuryente sa Mindanao grid kaya’t kailangang magpatupad ng rotating blackout
sa rehiyon.
Ngayong buwan ng Mayo, abot sa 26 hanggang
28 megawatts ang isu-suplay na kuryente sa Cotelco – mas mataas ng 12.6
megawatts noong buwan ng Abril.
Madadagdagan pa raw ito, ayon kay Almendras,
kapag nakabili na ang Cotelco ng walong megawatts na kuryente mula sa Therma
Marine, Inc. o TMI ng Aboitiz Power.
Inaasahan na kasi na ngayong linggo ang
paglabas ng provisional authority mula sa Energy Regulatory Commission para
mai-suplay na sa North Cotabato ang naka-kontratang kuryente mula sa TMI.
Sinabi ni Cabiles na naging mabunga ang
pulong – bagama’t emosyonal, dahil naiparamdam umano ng grupo sa national
government ang ibayong epekto ng brownout sa mismong ekonomiya ng lalawigan, at
pinakinggan rin naman sila sa kanilang mga hinaing.
Kasama ni Cabiles sa delegasyon ang
mga representative ng banking sector, business community, mga government
employees, Cotelco, LGU officials, at mga consumer group.
0 comments:
Mag-post ng isang Komento