AMAS,
Kidapawan City (Sep
26) – Abot sa 142 na inmates mula sa iba’t-ibang mga district jails sa Cotabato
ang pinawalang sala at tuluyan ng nakalaya matapos gawin ang Enhanced Justice
on Wheels o EJOW sa Provincial Capitol kahapon, Sep 25, 2014.
Pinangunahan ni Hon. Judge Lily Lydia A.
Laquindanum ng Regional Trial Court Branch 24 ng Midsayap, Cotabato at Overall
Co-Chairman ng EJOW and the Increasing Access to Juctice by the Poor Program
ang mobile court hearing ng mga preso.
Mula sa bilang na 144 ay dalawang mga
inmates naman ang convicted at iko-commit ang mga ito sa Davao Penal
Colony o DAPECOL habang ang 148 naman ay
binigyan ng pagkakataong makapag-bagong buhay matapos na ibasura ng korte ang
kani-kanilang mga kaso.
Humigit-kumulang naman sa 180 kaso ang
dininig ni Hon. Judge Laquindanum kasama ang iba pang mga huwes na
kinabibilangan nina Judge
Laureano Alzate ng Regional Trial Court Branch 22 ng Kabacan,
Judge Henelinda Molina-Diaz ng Regional Trial Court 23 ng Kidapawan
City, Judge Alexander B. Yarra ng Municipal Trial Courts in Cities Branch 5 ng
Pigcawayan Judge Rebecca Elena de Leon at iba pang huwes mula sa lalawigan ng
Cotabato.
Dalawang Justice On Wheels o JOW bus na
pag-aari ng Supreme Court ang ginamit ng mga huwes sa pagdinig habang ang iba
naman ay sa nagtayo ng make-shift courts sa harapan ng provincial gym.
Pinakamarami sa mga napalayang preso ay mula
sa Cotabato District Jail o CDJ na mahigit 100 ang bilang habang ang iba naman
ay mula sa Kidapawan, Makilala, Pigcawayan district jails at Kabacan
Reformatory Center.
Iba’t-ibang kaso naman ang kinakaharap ng
mga inmates na sumailalim sa EJOW kahapon kabilang ang possession of illegal
drugs, illegal possession of firearms, robbery, homicide, murder at iba pa.
Karamihan sa mga kasong dininig sa EJOW ay
hindi na interesado at din nagpapakita sa korte ang mga complainants at
testigo, lumampas na sa takdang jail term, mga minor disputes at iba pa na
kwalipikado sa naturang programa.
Dumating naman sa EJOW si Supreme Court
Deputy Court Administrator Thelma C. Bahia bilang representante ng SC at
nagbigay ng mensahe sa opening program na ginanap sa provincial gym.
Sinagot din ni Bahia ang ilang mga
katanungan mula sa mga stakeholders tulad ng media, academe, police, government
at non-government organizations sa dialogue na ginanap sa rooftop ng Provincial
Capitol Building habang ang ilang mga SC officials naman ay nagsagawa ng
information dissemination sa provincial gym para sa mga barangay officials.
Ayon kay Bahia, sa pamamagitan ng EJOW ay
nabigyan ng mabilis na proseso at hustisya ang mga bilanggo sa Cotabato
Province lalo na ang mga mahihirap.
Nagbigay daan din daw ito upang mabawasan
ang bilang ng mga preso sa CDJ na ang kapasidad ay mula 300-400 inmates pero sa
kasalukuyan ay mula 700-800 na ang mga nakapiit doon.
Pinasalamatan naman ni Bahia si Governor
Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza dahil ito raw mismo ang nanguna sa
koordinasyon sa SC upang isagawa muli ang JOW sa Cotabato.
Matatandaang noong 2012 ay una ng ginawa ang
JOW sa Cotabato kung saan abot sa 89 ang mga detainees na napalaya at nagkaroon
ng bagong buhay.
Samantala, ginanap din kahapon ang jail
visitation at medical-dental outreach sa CDJ sa pangunguna ng Integrated Bar of
the Philippines North Cotabato Chapter.
Nagkaroon din ng team-building activity ang
mga personnel at staff ng iba’t-ibang RTC at MTCC sa Cotabato sa rooftop ng
kapitolyo upang mapalakas pa ang kanilang ugnayan sa isa’t-isa. (JIMMY STA. CRUZ/PGO Media Center)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento