(PIA-12, Koronadal City/September 11, 2012) ---Tinatayang
P7.1 milyon ang naging pinsala sa pagbaha
sa mga barangay Malandag at Datal Tampal sa Malungon,
Sarangani noong Sabado ng gabi, batay sa
ulat ng Sarangani Provincial Information Office.
Sa Flood Update No. 5 ng
Sarangani PIO na inilabas alas 7 kagabi, nilinaw ni Capt.
William Roriguez, information officer ng 1002nd
Brigade ng Philippine Army, ang naturang halaga
ay tumutukoy lamang sa pinsala sa 66 na bahay na
nawasak at sa nasirang mga kagamitan ng may 74 na
pamilya.
Patuloy pang tinatasa ang ang
pinsala sa pananim, sasakyan at pampublikong
imprastraktura.
Abot naman sa 432 na
pamilya o 1,546 na indibidwal sa dalawang
barangay ang naapektuhan sa pagbaha. Sa ngayon
nananatili sa Malandag Municipal Gym ang may
26 na pamilya na nawalan ng tahanan.
Samantala, nagpapatuloy naman
ang “Operation Linis” Philippine Army, Philippine
National Police, at Malungon LGU kasama ang tulong mula sa
mga residente sa mga apektadong lugar.
Sa ngayon unti-unti nang naibabalik
ang suplay ng tubig. Madadaanan na rin ang Macnit
Bridge. Hindi pa rin madadaanan ng sasakyan ang mga
tulay sa mga barangay ng Kiblat at Kibala, subalit ginagawan
na umano ng paraan para magawan ng alternatibong rota.
Matatandaang umapaw ang
tubig sa Tinagacan-Buayan River, alas 5 y media noong
Sabado (Setyembre 8) matapos ng malakas na pag-ulan sa
bulubunduking bahagi ng Malungon.
Kabilang sa mga binaha ang sitio
Mabuhay at sitio Ilang-ilang sa Malandag, at sitio Lamlifew
sa barangay Datal Tampal.
Binaha rin ang mga pamilya
sa purok Camia, Cadena de Amor, Adelfa, Ponsettia, Waling-waling at Bougainvillea
sa Malandag.
Ngayong araw inaasahang
ideklara ng Malungon LGU ang state of calamity sa
lugar. (Danilo Doguiles/PIA 12)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento