AMAS, Kidapawan City (Aug 22) – Dinagsa ng
napakaraming tao ang Talent Night ng Search for the Mutya ng North Cotabato
2015 dito sa bayan ng Kabacan sa Municipal gymnasium nitong Biyernes kung saan
tinatayang mahigit sa 2,000 ang nanood.
Kabilang sa mga dumagsa ay mga kapamilya,
kaibigan at supporters ng 12 kandidata kung saan napuno rin ng palakpakan at
hiyawan ang gym sa bawat talent presentation ng mga kandidata para sa Mutya ng
North Cot 2015.
Kabilang sa mga ipinamalas ng mga kandidata
ay ang pagsayaw, pagkanta, drama, monologue at iba pa na nagpatunay lamang na
bawat isa sa kanila ay may angking ganda, talino at iba pang katangian ng
babaeng Cotabateña.
Maliban sa talent presentation, tampok din
ang Haute Couture kung saan suot ng mga kandidata ang Inaul o telang hinabi ng
mga Maguindanaon at isa sa mga premyadong kasuotan ng mga Muslim.
Mga local designers ng Cotabato ang lumikha
o dumisenyo ng mga kasuotan ng mga Mutya hopefuls habang ang iba ay gawa ng
designers mula sa South Cotabato.
Namangha din ang mga manonood sa ganda ng
stage na dinisenyo base sa itsura ng Pisan Caves ng Barangay Pisan, Kabacan na
isa nang tanyag na tourist attraction sa Rehiyon 12.
Napiling Top 5 sa talent presentation sina
Candidate no. 2 Jeanebeth Sedavia ng Midsayap, Candidate No. 5 Jeddah Rica
Jickain ng Pikit, Candidate no 9 Clarice Faith Tero ng Kidapawan City,
Candidate no. 11 Jessa Pearl Lopez ng Pigcawayan at Candidate no 12 Almira Jann
Cadi ng Kabacan.
Napili naman bilang Top 5 sa Haute Couture
sina Candidate no. 2 Jeanebeth Sedavia ng Midsayap, Candidate no 4 Venus Jade
Villavicencio ng Magpet, Candidate no 6 Caitlin Itutud ng Kidapawan City,
candidate no. 8 Kaitheleen Puerto ng Tulunan at Candidate no.9 Clarice Faith
Tero ng Kidapawan City.
Kaugnay nito, naniniwala si Gov Emmylou
“Lala” J.Taliño-Mendoza na masusundan pa ang yapak at tagumpay ni Bb.
Pilipinas-Universe 2015 at Miss Universe 2015 Top 10 Finalist Mary Jean “MJ”
Lastimosa sa pamamagitan ng mga naggagandahang kandidata.
Gaganapin ang Grand Pageant Night ng Seach
for the Mutya ng North Cot 2015 sa Kidapawan City Gymnasium sa Aug. 26, 2015
eksaktong alas-sais ng gabi.
Ang Search for the Mutya ng North Cotabato
2015 ay isa lamang sa mga highlights at mga nakalinyang aktibidad kaugnay ng
pagdiriwang ng ika-101 anibersaryo ng Lalawigan ng Cotabato at ng Kalivungan
Festival 2015. (JIMMY STA. CRUZ-PGO
Media Center)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento