(Alamada, North Cotabato/ May 16, 2014) ---Pumalo
na ngayon sa 601 ang kabuuan ng mga naapektuhan sa nangyaring diarrhea outbreak
sa bayan ng Alamada kungsaan walo ang naiulat na nasawi habang 207 ang patuloy
na ginagamot ngayon sa ospital.
Ito ayon kay Alamada Municipal administrator
Ruben Cadava sa panayam sa kanya ng DXVL News.
Batay sa pinakahuling datos ng opisyal, 67
naman sa nasabing mga pasyente ay nakarekober na mula sa pananakit ng tiyan,
pagtatae at pagsusuka.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng opisyal na
malinis ang tubig na iniinum ngayon ng mga residente mula sa tatlong mga
barangay na naapektuhan ng nasabing outbreak.
Ito makaraang bumuhos ang tulong mula sa
pribado at pampublikong sektor na tumugon sa panawagan ng mga lokal na
pamahalaan ng Alamada.
Malinis namang tubig na mula sa firetruck ng
Bureau of Fire ang dinadala sa brgy. Dado, Lower Dado at Pigcawaran, ayon kay
Cadava.
Una dito, sinabi ng administrador na ang mga
nabanggit na mga barangay ay hindi pa naabot ng programang SALIN-TUBIG ng
pamahalaang nasyunal maliban lamang sa Lower Dado na naging benepisyaryo sila
ng MRDP.
Samantala, tumanggi naman munang ihayag ni
Cadava ang resulta sa ginawang eksaminasyon dahil si Dra. Joy Posada lamang ang
maaring magbigay ng opisyal na pahayag sa media.
Lubos naman ang pasasalamat ng opisyal sa
maagap na pagtugon ni Cotabato Gov. Lala Mendoza ng provincial government,
kasama na ang lahat ng mga LGU’s, mga nasa hanay ng hukbong Lakas ng Pilipinas,
Pambansang Pulisya, mga pribadong sektor at iba pa sa mga ipinadalang tulong
partikular na ang malinis na tubig, gamot at tulong ng mga doktor. Rhoderick Beñez
0 comments:
Mag-post ng isang Komento