(Cotabato City/ October 30, 2013) ---Isang
security escort ang patay habang isa pang kasamahan nito ang sugatan ng
makipaglaban sa mga armadong kalalakihan sa nangyaring abduction sa Cotabato
city alas 6:00 kagabi.
Ayon kay S/Supt. Rolen Balquin, chief of
police ng Cotabato City, dinukot ng mga kalalakihan si Mike Khemani, isang
Indian National at may-ari ng Sugni Superstore na nag-ooperate sa lungsod at sa
North Cotabato.
Batay sa report ng pulisya, naglilibot si
Khemani sa kanyang establisyemento nang dinukot ng dalawang armadong
kalalakihan at pwersahang isinakay sa isang kotse kung saan naghihintay ang isa
pang suspek.
Nagkaroon pa ng palitan ng putok sa pagitan
ng mga suspek at security escort ng negosyante.
Dahil dito, patay ang isa sa mga security
escort ni Khemani na nakilalang si Abdul Fhata Kaura habang sugatan naman ang
kasama nitong si Mustapha Abdulrahim.
Narekober naman ng mga ito ang isang itim na
kotse na may plakang MCW-692 sa Bagsakan area, Mother Barangay Poblacion,
Cotabato City, ilang minuto matapos ang insidente.
Pinaniniwalaang ginamit bilang get-away
vehicle ng mga suspek ang nasabing sasakyan.
Naniniwala naman ang mga otoridad na gumamit
ang mga suspek ng isang motorized bangka bitbit ang biktima papalayo sa
Cotabato City.
Apat na taon na ang nakalilipas,
pinagtangkaan nang dukutin si Khemani ngunit hindi nagtagumpay ang mga suspek.
Kaugnay nito, nanawagan naman si Cotabato
City Mayor Japal Guiani Jr. sa publiko na agad makipag-ugnayan sa mga otoridad
kung may impormasyon kung saan dinala ang dinukot na negosyante.
Nagbabalak na rin si Guiani na
makipag-ugnayan sa pamunuan ng Moro Islamic Liberation Front o MILF para sa mas
malawak na paghahanap sa negosyante.
Dahil sa pangyayari, nanawagan ang alkalde
sa iba pang negosyante sa Cotabato City na mag doble-ingat.
Aniya, di dapat iasa lang sa mga pulis at
militar ang kanilang seguridad. (Rhoderick Beñez)
0 comments:
Mag-post ng isang Komento